Umabot na sa 807 ang kabuuang kaso ng Delta variant sa Pilipinas matapos makapagtala pa ng 182 na bagong kaso nitong Linggo, Agosto 15.
Sa pinakahuling genome sequencing na isinagawa ng DOH, University of the Philippines - Philippine Genome Center (UP-PGC), at ng University of the Philippines - National Institutes of Health (UP-NIH), bukod sa182 bagong Delta (B.1.617.2) variant cases ay nakapagtala rin sila ng 41 bagong Alpha (B.1.1.7) variant cases, 66 bagong Beta (B.1.351) variant cases, 40 na bagong P.3 variant cases, at ang kauna-unahang kaso ng Lambda (C.37) variant sa bansa.
Sa pahayag ng DOH, sa karagdagang 182 Delta variant cases, 112 ang local cases, 36 ang Returning Overseas Filipinos (ROF), at 34 kaso ang inaalam pakung local o ROF cases.
Sa 112 local cases, 42 ang mula sa National Capital Region (NCR), 36 sa Central Luzon, walo ang mula sa Calabarzon (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon) , anim ang mula sa MIMAROPA (MIndoro-Marinduque-Romblon-Palawan), anim sa Northern Mindanao, apat sa Central Visayas, tatlo sa Davao Region, tatlo ang mula sa Caraga, dalawa ang mula sa Western Visayas, at nakapagtala naman ng tig-iisang kaso ang Cordillera Administrative Region at BARMM.
Sa case line list ng DOH, isa sa mga pasyente ang aktibo pa, 176 ang nakarekober na, apat ang namatay, at isa ang hindi pa batid ang kinahinatnan.
“All other details are being validated by the regional and local health offices,” anang DOH.
Sa beripikasyon naman, natukoy din na ang dalawang kaso na unang tinukoy bilang Delta cases mula sa NCR noong Agosto 4 ay natuklasang Beta variant cases.
Sa kasalukuyan, umabot na sa 807 ang kabuuang kaso ng Delta variant sa bansa.
Matatandaang inihayag ng mga eksperto na 97 percent ang bilis nitong makahawa kumpara sa ibang variant ng COVID-19 dahil mabilis itong dumami isa katawan kaya mas maraming virus ang naibubugang infected nito.
Mary Ann Santiago