Kinumpirma ng Department of Health (DOH) nitong Linggo, Agosto 15, na nakapasok na sa bansa ang coronavirus disease (COVID-19) Lambda variant sa gitna ng patuloy na pagdami ng mga kaso ng Delta variant.

Ang tanong ng lahat—malaking banta nga ba ng Lambda variant?

Pinaniniwalaang unang kumalat ang Lambda variant o ang “C.37” sa South America, partikular na sa bansang Peru kung saan naitala ang unangsamplesng virus noong Agosto 2020.

Gayunpaman, itinuring lang itong “variant of interest” ng World Health Organization (WHO) nitong Hunyo 14, 2021, matapos ang paglaganap nito sa 26 na bansa.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Kung ang mga naunang variants, kabilang ang Alpha, Beta, Gamma, at Delta ay itinuturing na “variant of concerns,” ang Lambda variant, sa ngayon, ay nasa mas mababang uri o “variant of interest” pa lang. Ibig sabihin, sasailalim pa sa mga karagdagang pag-aaral para mapatunayang mas nakakhahawa ito sa mga naunang variants. 

Sa Amerika, tinatayang nasa 1,060 kaso ng Lambda variant pa lang ang natukoy ayon sa GISAID Initiative. Malayo ang bilang na ito kung ikukumpara sa kaso ng Delta variant kung saan 83 porsyento sa mga bagong kaso sa Amerika ay sanhi ng Delta.

Dapat nga bang pangambahan ang bagong variant na ito?

Ayon sa mga eksperto, sa ngayon ay hindi pa.

Sa ulat ng National Public Radio (NPR), ang bagong Lambda variant ay tila kamag-anak ng Alpha, isa sa mga pinakaunang variant ng COVID-19.

Habang wala pang malinaw na banta ang Lambda variant, binabantayan pa rin ng WHO ang genetic changes nito na maaaring makaapekto sa transmissibility at disease severity sa katawan ng tao.

Epektibo ba ang kasalukuyang bakuna laban sa Lambda?

Maraming pananaliksik pa ang kailangan upang malaman kung epektibo nga ba ang mga bakuna, kagaya ng Pfizer, Moderna o AztraZeneca laban sa Lambda variant.

Sa pag-aaral naman ng University of Chile, lumabas na tila vaccine-resistant ang Lambda, partikular sa Chinese vaccine na Sinovac.

“Our results indicate that mutations present in the spike protein of the Lambda variant of interest confer increased infectivity and immune escape from neutralizing antibodies elicited by CoronaVac,” paglalahad pa ng nasabing pamantasan.

Gayunpaman, hindi pa sumailalim sa peer review ang naturang pag-aaral na nilabas nitong Hulyo 1, 2021.