BAGUIO CITY - Hindi na rin ligtas sa Delta variant ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang Summer Capital ng Pilipinas matapos makapagtala ng unang kaso ng sakit, kamakailan.
Ito ang kinumpirma ng Department of Health (DOH)-Cordillera at sinabi na ang unang kaso ng variant ay natuklasan sa isang Returning Overseas Filipino (ROF) na taga-Baguio.
Gayunman, nilinaw ng Epidemiology Bureau ng DOH-Cordillera na ang kaso ay hindi isang local transmission.
Sa text message naman ni Mayor Benjamin Magalong nitong Linggo, sinabi nito na isa ring pinaghihinalalang kaso ng Delta variant ang posibleng humawa sa mga empleyado ng isang English school sa Camp 7, kamakailan.
Paglilinaw ni Magalong, isinailalim na swab test ang mga empleyado ng nasabing paaralan noong Hulyo 24 at hinihintay na lamang ang resulta ng pagsusuri.
Isinailalim na rin aniya sa hard lockdown ang paaralan sa loob ng 10 araw.
Sa kaso ng ROF, sinabi ni Magalong na bago ito umuwi sa Baguio ay sumailalim muna ito sa 14 day quarantine sa Maynila.
"Nagsasagawa na kami ngayon ng contact tracing sa 16 na pasahero na nakasama nito sa bus patungo sa ating siyudad," sabi ng alkalde.
Sa kasalukuyan, aabot na sa368 ang active COVID cases ng lungsod, 15,405 recoveries at 321 ang binawian ng buhay mula sa kabuuang kaso na 16,094.
Zaldy Comanda