Sa patuloy pa ring pagtaas ng mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19), nasa “high risk” na ang intensive care unit utilization rate (ICUUR) sa Metro Manila, base sa pinakahuling ulat ng OCTA Research nitong Linggo, Agosto 15.
“Hospital bed occupancy in the NCR [National Capital Region] is now at 64 percent while ICUs reached 71 percent for the first time since May 5, 2021,”pagbabanggit ni OCTA Research fellow Dr. Guido David sa Twitter.
Mula 1.85 nitong Huwebes at umakyat pa hanggang 1.90 nitong Sabado ang reproduction number ng COVID-19 sa Metro Manila. Ibig sabihin nito’y nakahahawa ang isang may COVID-19 ng hanggang dalawang indibidwal.
Base sa monitoring ng OCTA mula Agosto 8 hanggang Agosto 14, ang seven-day average ng bagong kaso sa Metro Manila ay umakyat nang 47 porsyento o 3,066 mula 2,080 nitong nakaraang lingo.
Naiulat din na mataas ang average daily attack rate (ADAR) sa Metro Manila na may 21.95 na kaso sa bawal 100,000 populasyon dahilan para ituring na “high risk” ang rehiyon.
“The numbers have exceeded our projections for ECQ [enhanced community quarantine]. However, the numbers are tracking below our projections if there was no ECQ,” sabi ni David.
Para mapabagal ang pagkalat ng COVID-19 sa Metro Manila, hiniling ni David ang kooperasyon ng publiko, mas agresibong contact tracing at paglunsad ng maraming COVID-19 testing.
Ellalyn De Vera-Ruiz