Maayos hanggang ngayon ang pamamahagi ng cash assistance o "ayuda" sa mga residenteng apektado ng enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR), ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Sabado, Agosto 14.
Nagtalaga ang AFP ng mga militar mula sa Joint Task Force (JTF)-NCR para matulungan ang mga barangay at mga social welfare officials na mapabilis at maayos ang pamamahagi ng ayuda para sa mga residente, ayon kay task force commander Brig. Gen. Marceliano Teofilo
Ani Teofilo, personal niyang ginawaran ang paglulunsad ng pamamahagi ng ayuda sa Maynila noong Agosto 11 upang matiyak na ang mga residente ay susunod sa minimum public health standards (MPHS) sa kanilang pila.
Dagdag pa niya, tumulong din ang JTF-NCR sa pamamahagi ng ayuda sa mga lungsod ng Parañaque, San Juan, Quezon, Caloocan, Malabon at Navotas at iba pa.
“Magtulungan po tayo upang tuluyang masugpo itong pandemyang dulot ng COVID-19 virus. Makakaasa po kayo na ang inyong Armed Forces of the Philippines ay palagi ninyong kaagapay sa pagharap sa laban na ito,” ayon kay Teofilo.
Matatandaang naging mainit na usap-usapan ang lokal na pamahalaan ng Maynila nitong nakaraan dahil sa pagdagsa ng daan-daang residente sa vaccination center dahil umano sa takot na hindi makakakuha ng ayuda ang mga hindi bakunado o hindi makalalabas habang nasa ECQ.
Ang mga ulat na ito na kumalat sa social media ay hindi pinatunayan ni Mayor Isko Moreno.
Martin Sadongdong