Patuloy pa rin ang pagtaas ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa kasunod ng mas nakahahawang Delta variant. Sa ikapitong pagkakataon, muling isinailalim sa enhanced community quarantine (ECQ), pinakamahigpit na quarantine restriction, ang Metro Manila kabilang ang ilan pang lalawigan dahilan para ikabahala ang isa ring seryosong usapin—ang mental health.

Bago pa ang pag-anunsyo ng pandemya o ang pagpasok ng taong 2020, ang Pilipinas ay isa na sa mga binabantayang bansa ng World Health Organization (WHO) pagdating sa usaping mental health, at mga suliraning nakapaloob dito.

Sa datos ng Department of Health (DOH) taong 2019, lumabas na 3.3 milyong Pilipino ang namumuhay na mayroong depressive disorders. Sinegundahan ang naturang datos ng WHO Special Initiative for Mental Health kung saan ayon sa naturang proyekto, hindi bababa sa 3.6 milyong Pilipino ang mayroong “mental, neurological at substance use disorder.”

Inilalarawan ang depressive disorders o tinatawag ding unipolar depression bilang isang matindi at paulit-ulit na kalungkutan o kawalan ng pag-asa o interes sa mga bagay na dating naghahatid ng kasiyahan sa isang tao.

National

Hontiveros, walang nakitang blangko sa 2025 budget

Sa pagsisimula ng lockdown mula Marso hanggang Mayo 2020, kapansin-pansin ang naging pagtaas ng natanggap na tawag sa helpline ng National Center for Mental Health (NCMH). Mula 400 average calls sa isang buwan bago ang implementasyon ng quarantine, halos tatlong beses ang naging pagtaas nito at umabot ng 1,014 calls ang natanggap ng NCMH sa buwan ng Abril 2020.

Makalipas ang isang taon, apat na beses na mas marami ang natanggap na tawag sa helpline ng NCMH o higit 1,600 calls nitong Marso 2021. Sa kabuuan, 33 porsyento rito ay suicide-related. Ayon sa NCMH, sampung porsyentong mas mataas ang bilang kumpara sa datos ng 2019.

Sa pag-aaral ng iPrice Group sa kalagayan ng mental health sa Southeast Asia sa gitna ng pandemya, nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng Google searches ukol sa mental services ang ilang bansa sa rehiyon kabilang na ang Pilipinas. Sa parehong panahon taong 2019, lumabas na 128 porsyento ang naging increase ng Google searches ngayong taon. Pinangangambahang tataas pa ang bilang na ito sa pagpapatuloy ng pandemya.

Larawan mula iPrice Group

Ayon sa iPrice, tumaas din nang 348 porsyento kumpara sa unang limang buwan ng 2020 ang Google searches para sa scented candles. Kabilang din ang weighted blankets (273%), essential oils (155%), therapy lamps (139%) sa mga naging patok sa search engine. Sa kabuuan, mayroong 151 porsyentong pagtaas ng Google search para sa mga mental-health related na produkto sa Pilipinas.

Larawan mula iPrice Group

Kinakitaan din ang mataas na interes ng Pilipinas sa mga meditation applications kagaya ng Headspace at Talkspace.

Sa pagsukat ng iPrice sa dalas ng Google searches via Google Keyword Planner, natukoy na ilan sa mga ginamit na salita ng mga Pilipino sa search engine ang “psychologists near me” para potensiyal na humingi ng mental health assistance sa gitna ng pandemya.

Habang patuloy ang muling pagsipa ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, malinaw na may pangangailangan na masolusyunan ang tumataas na bilang ng mga datos sapagkat sa likod ng mga datos na ito ay napakaraming indibidwal na nakikibaka sa sariling takot, lungkot, pagkalito, at kawalan ng pag-asa.

Patuloy na pinapanawagan ng mga institusyon kabilang ang NCMH at Philippine Mental Health Association na maging bukas ang lahat sa usaping ito, kalakip sa pagiging bukas ay maglaan ng panahon para sa mga taong mas bulnerable ang mental na kalusugan sa panahon ng pandemya.

Maaring tawagan ang mga linyang ito para sa pribado at ligtas na pakikipag-usap sa mga propesyunal.

Pubmat mula sa Official Facebook Page ng PMHA

Larawan mula sa NCMH Crisis Facebook Page