Hindi dapat arestuhin ng awtoridad ang mga menor de edad na lumabag sa curfew at health protocols sa gitna ng pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), ayon saCommission on Human Rights (CHR).
“Sila ay dapat bigyan ng payo o nararapat na intervention at ibalik sa kanilang mga magulang,” reaksyon ng CHR.
Ipinaliwanag ng CHR na kabilang sa United Nations Convention on Human Rights (UNCRC) ang Pilipinas kaya tungkulin ng pamahalaan na protektahan at igalang ang karapatan ng mga indibidwal na may edad 18 taong gulang pababa.
Paglilinaw ng CHR na sa ilalim ng batas (Presidential Decree 603) o ang Child and Youth Welfare Code, kinikilala ang kabataan bilang pinakamahalagang yaman ng bansa kaya nararapat lamang na matugunan ng pamahalaan ang kanilang makabuluhan at masayang pamumuhay.
“Ang mga polisiyang ito ay patuloy na umiiral sa gitna ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ). Ang hindi pagsunod sa mga ito ay nangangahulugan na paglabag sa batas, hindi pagtalima sa tungkuling ipatupad ang batas, at kakulangang maproteksiyunan ang mamamayan,” paliwanag ng CHR.
Itinuturing na “children at risk (CAR)” ang mga menor de edad na lumabag sa mga ordinansa.
Sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act, madaling makagawa ng krimen ang CAR dahil sa pang-aabuso na nararanasan sa sarili, pamilya at ng lipunan.
Dahil dito, iginiit ng CHR na mas kailangan ng mga ito ang proteksyon.
Walang sitwasyon ang dapat makasakit nang pisikal o emosyonal sa mga ito, ayon sa ahensya.
Binalaan din ng CHR ang mga awtoridad na huwag ipahiya o ilantad ang CAR sa sitwasyong maaari silang makaramdam ng takot.
Czarina Nicole Ong Ki