Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dagdag na ₱3.4 bilyong ayuda para sa mga residente ng Metro Manila na patuloy na naaapektuhan ng enhanced community quarantine (ECQ).
Ito ang kinumpirma ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos iulat ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya na naglaan na ng karagdagang ayuda ang gobyerno para lamang sa mga pamilyang apektado ng quarantine restrictions sa National Capital Region (NCR).
Nitong nakaraang linggo, naglabas ng ₱10.8 bilyong ayuda ang Department of Budget and Management (DBM) upang ipamahagi sa mga residente ng NCR na apektado ng dalawang linggong lockdown mula Agosto 6-20.
Matatandaang inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na isailalim sa ECQ ang Metro Manila bunsod na rin ng tumataas na bilang nahahawaan ng COVID-19 at unti-unti ring paglaganap ng Delta variant sa bansa.