Nakapagtala ng 7.1-magnitude na lindol ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa ilang bahagi ng Mindanao nitong Huwebes dakong 1:46 ng umaga.
Nasa layong 95 kilometro ng timog silangan ng Governor Generoso, Davao Oriental ang epicenter ng lindol.
Sinabi ng Phivolcs na tectonic ang pinag-ugatan ng lindol na may lalim na 39 kilometro.
Naramdaman ang Intensity V o “strong shaking” sa Governor Generoso, Mati City, Baganga, at Lupon, Davao Oriental; Tagum City, Panabo City, Carmen, at Nabunturan, Davao del Norte; General Santos City; Alabel, at Malungon, Sarangani.
Intensity IV o “moderately strong shaking” ang naramdaman sa Davao City; Kiblawan, Davao del Sur; Koronadal City, Tampakan, Tupi, at Polomolok, South Cotabato; Glan, Malapatan, at Kiamba, Sarangani; Monkayo, Davao de Oro.
Intensity III naman sa Kabacan, Cotabato; Bayugan, Agusan del Sur, habang Intensity II naman sa Cagayan de Oro City; Maasim, Sarangani; Arakan at Banisilan, Cotabato; at Intensity I naman sa Mambajao, Camiguin Island.
Inaasahan naman ang aftershocks at pinsala dahil sa lindol.
“No destructive tsunami threat exists based on available data,”ayon sa Phivolcs.
“This is for information purposes only and there is no tsunami threat to the Philippines from this earthquake,” dagdag pa nito.
Jhon Aldrin Casinas