Nakahanda si President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na ibigay ang panguluhan kay Vice President Leni Robredo sakaling siya ay tamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) at madisgrasya.
Desidido ang Pangulo na lumabas para makausap ang mga tao kahit naroroon ang panganib na mahawaaan siya ng coronavirus disease, laluna ng mas mabagsik at mabilis makahawang Delta variant. Ingat na ingat ang Presidential Security Group (PSG) sa kanyang kalusugan kung kaya hindi siya basta-basta pinapayagang lumabas para makipagpulong sa kung saan-saan at kani-kanino.
Tanggap ni PRRD na si VP Leni ang susunod na Pangulo kapag siya ay tinamaan o na-infect ng nakatatakot na sakit habang tumutupad sa tungkulin.Ganito ang pahayag ni Mano Digong: “Magplano ako, sabihin ko sa kanya huwag mo akong pilitin, Dok, na hindi makalabas kasi ‘yung mga tao gusto akong makita". Sinabi niya ito sa televised address noong Lunes, Agosto 9.“Bahala na ang Diyos sa akin kung anong mangyari. Kung dadapuan ako ng Delta, wala na. Si — nandiyan naman si Leni Robredo ang sa succession. Eh ‘di kahit sa kanya na". Tunay, wala na siyang magagawa pa sakaling salakayin siya ng Delta variant. Kahit ang minamahal niyang mga pulis at sundalo, hindi kayang harangin ang veerus, este virus, na hanggang ngayon ay ayaw lumayas sa minamahal natin at naghihirap na Pilipinas.
Tahasang sinabi ni PRRD na ngayon ay 76 anyos at bakunado na, handa niyang harapin ang kamatayan. Ang kanyang mga galaw at kilos ay nililimitahan ng kanyang security team bilang bahagi ng kaligtasan at kalusugan niya laban sa salot.
Dagdag pa ng Presidente: “‘Pag iyan ba ang suwerte ko sa pagsisilbi ng tao, mamamatay ako, eh ‘di mamamatay ako. Lahat naman tayo dito may panahon-panahon sa mundo.” Tama siya rito sapagkat walang tao sa mundong ito ang nakaligtas sa kamatayan. Pati nga si Kristo na anak ng Diyos ay namatay. Ang kaibhan lang ni Hesus, siya ay muling nabuhay at dinaig ang kamatayan pagkatapos ng tatlong araw.
Sa banner story ng isang English broadsheet noong Miyerkules, ganito ang nakalagay: "Rody mocks mayor, ayuda power stripped." Sino kaya ang Mayor na ito? Katwiran ni PRRD, wala raw kakayahan ang alkalde na mag-organisa at nagkakagulo ang mga tao.
Sa halip, inatasan niya si DILG Secretary Eduardo Añoat ang DSWD na mamahala sa pamamahagi ng ayuda sa mga tao. Dahil umano sa kawalang-kakayahang mag-organisa ng nasabing Mayor at mamahagi nang tama at maayos, nagreresulta ito sa disorder o pagkakagulo.
Sino kaya ang Mayor na ito? May nagsasabing si Yorme raw o Manila Mayor Isko Moreno. Gayunman, hindi naman tinukoy ng Pangulo kung sino ito sa kanyang televised address. Samakatwid, umiiral ngayon ang labanan ng Malacañang at ng City Hall na pinamamahalaan ng naturang alkalde.