Tatlong katao, kabilang ang isang pulis na nag-AWOL (Absent Without Official Leave) ang nakumpiskahan ng kabuuang ₱105,400 halaga ng hinihinalang shabu sa magkasunod na buy-bust operation sa Taguig City, kamakailan.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) chief, Brig. General Jimili Macaraeg ang mga suspek Raquel Biso, alyas “Raquel”, 40, at taga-Block 4, Lot 1, Phase 2, Barangay Pinagsama, Taguig City; Melinda Bernardez, alyas “Chang”, 55, at Philip Aure, 39, security guard, nag-AWOL sa pulisya noong 2008, at taga-nasabi ring lugar.
Sa ulat ng pulisya, unang nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Taguig City Police sa Block 4, Lot 1, Phase 2, sa Brgy. Pinagsama na ikinaaresto ni Biso, nitong Agosto 9 ng gabi.
Nasamsam sa suspek ang anim na pakete ng umano'y shabu na nagkakahalaga ng ₱71, 400; buy-bust money; at iba pang personal na gamit.
Dakong 9:30 ng gabi naman, nadakip ng pulisya sina Bernardez at Aure sa Block 28, Lot 13, Phase 2.
Nakumpiska mula kina Bernardez at Aure ang limang pakete ng iligal na droga na nagkakahalaga ng ₱34,000; at buy-bust money.
Sasampahan ang mga suspek ng kasong Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Taguig Prosecutor's OfficeBella Gamotea