Namatay ang isang taong gulang na batang lalaki sa Dubai matapos tamaan ng COVID-19.Sa isang Facebook post ni Roxy Sibug noong Agosto 7, ibinahagi niya ang nangyari sa kanyang anak.

Ayon sa panayam ni Roxy Sibug sa Unang Balita ng GMA News, masayahin at masiglang bata ang kanyang anak na si Luther Ezekiel at bihira raw itong magkasakit.

Gayunman, nilagnat si Luther makalipas ang isang linggo matapos sumakit ang ulo at sininat si Walter, asawa ni Roxy, na akala nila ay simpleng lagnat lamang ito kaya hindi na nila naisip na magpaswab test lalo't work from home naman ito.

Ayon kay Roxy, umabot sa 39°C ang naging temperature ng kanilang anak kaya ipinaswab test nila ito, na payo ng doktor nang dalhin nila si Luther sa clinic sa Dubai.

Tulad ng kanilang kinatatakutan, positibo ang Covid test result ni Luther. Naging maayos naman ang kalagayan ni Luther matapos bigyan ng gamot at bitamina.

Ngunit makalipas ang dalawang araw, napansin ni Roxy ang pamamaga ng mata at nanghihina ang anak nito.

Dinala nila sa ospital si Luther, matapos ang ilang tests, wala raw umanong nakitang problema sa kanilang anak.

“Dinala namin siya sa hospital. Binlood test siya, kinuhaan siya ng temperature, kinuhaan siya ng urine. Wala nakitang problema. Sabi sa amin, “Mommy, your son is completely okay, there’s nothing wrong with your baby. So you can go home.,”” ani Roxy sa kanyang panayam sa Unang Balita.

Kinabukasan, ibinalik nila sa ospital si Luther dahil namumutla at nanghihina na raw ito.

Tiningnan umano ng doktor ang puso ni Luther at nakitang namamaga ang puso dahil umabot na ang COVID-19 sa paligid ng puso nito.

“‘Yung chineck yung heart niya, nalaman na namamaga yung heart niya dahil sa COVID-19,” ani Roxy.

Screenshot sa panayam ni Roxy sa Unang Balita

"Kahit na bawal ang ginagawa ko, kumukuha ako ng kumot, tapos ayaw nilang pakumutan ang anak ko. Walang damit 'yung anak ko puro, apparatus sabi ko, hindi! Nilalagay ko siya dito sa chest ko… kasi alam ko kailangan, gustong-gusto niyang matulog eh,” dagdag pa niya habang umiiyak sa kanyang panayam.

Matapos ma-intubate si Luther, pinauwi muna si Roxy at ang kanyang asawa. Tinawagan sila ng ospital makalipas ang ilang oras nang bumababa na ang blood pressure ng kanilang anak.

Pagdating ng ospital, nirerevive na ng mga doktor si Luther ngunit hindi na kinaya ng bata.Nakiusap pa umano si Roxy na kunin ang puso niya para sa kanyang anak.

“Nasabi ko pa sa doktor doon, mainit pa anak ko, mainit pa siya. Maisasalba pa nila. Tapos lumuhod po ako sa mgadoctors at cardiologist.Sinabi ko kunin na ang puso ko ngayon," ani Roxy sa kanyang panayam sa News5.

Wala pang 24 oras nang dalhin sa ospital, namatay si Luther Ezekiel dahil sa COVID-19.

“Wala pa pong 24 hours, 15 hours lang po kinuha samin ‘yung anak ko. Lahat po ng medicine binigay sa kanya, wala pong tumalab. Wala pong tumalab na medicine sa kanya. Ganun po kademonyo yung Covid,” dagdag pa niya.

Screenshot sa panayam ni Roxy sa News 5

Tila parang nabagsakan ng langit at lupa ang mag-asawang Roxy at Walter dahil sa sinapit ng kanilang anak.

“Torture” kung ituring ni Roxy ang pangyayaring ito.

"Bawat pikit ng mata namin, siya nakikita namin. Bawat galaw namin dito sa bahay ganun kami tinotorture na po, ganun kami tino-torture. Grabe 'yung pain, sobra 'yung pain na nararamdaman namin… Siya lang yung nag-iisang anak namin,” aniya sa panayam ng GMA news.

Hindi pa nila mabigyan ng maayos na pagluluksa ang kanilang anak dahil kasalukuyang naka self isolate pa silang mag-asawa dahil nagpositibo si Roxy sa COVID-19.

Payo ni Roxy sa mga magulang, “Mga adult talaga, Kung mahal niyo anak niyo, mag-ingat talaga kayo. Hindi pwede babaliwalain nyo ito, kasi hindi ito joke. Kapag nakaramdam kayo, kahit konting sinat lang, magpa-swab testna kayoplease.Gastusan niyo, mas maganda gastusan niyo kahit sa magkanong halaga kaysa sa mawala mga mahal niyo sa buhay."

Sa isang Facebook post ni Roxy nitong Agosto 10, humingi siya ng pakiusap sa media na bigyan muna sila ng oras bago sila muling magsalita tungkol sa kanilang anak.

“Ang pakiusap ko nalang po sana sa media, this time po hingi lang muna kami ng time na maayos namin at makuha muna namin ang anak namin sa hospital at magluksa nalang muna at ipagdasal siya at iparamdam sa kanya sa kahuli hulihang pagkakataon ang pagmamahal namin sakanya… Pagkatapos po lahat ng ito magsasalita po ako kahit sa buong mundo para sa anak ko. Bibigyan namin ng kabuluhan ang pagkawala niya,” saad ni Roxy.