Inanunsiyo ni Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos nitong Martes na nakamit na ng lungsod ang population protection matapos umabot sa mahigit 320,000 indibidwal ang naturukan nila ng unang dose ng COVID-19 vaccines.

Batay sa record ng Mandaluyong City Health Department, hanggang Agosto 9, umabot na sa kabuuang 325,188 indibidwal o 100.01% ng target population ng lungsod ang naturukan nila ng first dose ng bakuna.

Nabatid na ang total population ng lungsod ay 464,467 at ang bilang ng mga indibidwal na eligible para mabakunahan ay nasa 325,127 o 70% ng total population. 

“We're happy to announce that we've reached our target this early. Our next goal is to complete the remaining 2nd dose for those who have yet to receive it,” ani Abalos.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ani Abalos, kabilang sa nabakunahan nila ng first dose ng COVID-19 vaccine ay ang 31,257 na senior citizens, habang 25,597 naman fully vaccinated o nakadalawang dose na ng bakuna.

Sinabi naman ni Abalos na ang tagumpay ng vaccination program ng lungsod ay dulot nang pakikipagtuwang nila sa mga private sector at kooperasyon ng bawat Mandaleño.

“This is the accomplishment not only of the city government, but of every Mandaleño who were inoculated,thinking not only of their own safety but of their families and communities as well,” anang alkalde.

Mary Ann Santiago