Ibinahagi ni Donita Rose ang ilang mga detalye hinggil sa kaniyang trabaho sa Amerika sa panibagong vlog entry ng Youtube channel nina LJ Moreno at Rufa Mae Quinto, na "The Wander Mamas."
Kilala si Donita bilang sikat na host, aktres, at product endorser sa Pilipinas. Taong 2020 nang lumipat siya sa Amerika at ngayon ay nagtatrabaho bilang corporate R&D chef ng isang malaki at sikat na restaurant and food chain sa naturang bansa.
Sa kanilang pagkukumustahan, nabanggit ni Donita na nagugulat umano ang mga kapwa Pinoy kapag nakikita siyang nagtatapon ng basura sa dumpster. Aniya, hindi umano niya trabaho iyon, ngunit mas pinili niyang gawin dahil sa dedikasyon.
“Nagugulat ang mga Pinoy dito, ako naglalabas ng basura. Ako nagda-dump sa dumpster,” salaysay ng aktres.
“Hindi ko trabaho ‘yon, pero I do it. Nagpupunas ako ng mga table. Sasabihin nila, ‘Dee, ano bang trabaho mo?’” dagdag pa niya.
Hindi naman umano porke't celebrity siya, hindi na niya gagawin ang mga trabahong ginagawa ng mga karaniwang manggagawa. Iba na ang buhay niya umano sa Amerika.
Umani naman ito ng positibong reaksyon sa mga netizen.
"Super galing ni Donita inspiring, fearless to tell her story sobrang believe ako despite everything nakayanan niya just because of her faith, God is so good. Di ba Sabi nga nasa Tao ang gawa nasa Diyos ang awa. Good luck Ms. Donita," sabi ng isa.
"Napaka-natural ni Donita, she has so much wisdom to share… sobrang ganda niya kausap, she is down to earth, her words have shown it. Bless you Donita!" turan naman ng isa.