Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) na inaprubahan ni Pangulong Duterte ang paglabas ng World Teachers’ Day Incentive Benefit (WTDIB) sa halagang₱1000 kada guro ng pampublikong paaralan para sa 2021.
Sinabi ng DepEd na ang nasabing incentive benefit ay alinsunod sa pangako ng gobyerno na “matapat na suportahan ang ating mga guro para sa kanilang dedikasyon sa paghahatid ng dekalidad na edukasyon.”
Para sa 2021, ang kabuuang halaga ng WTDIB ay₱910 milyon.
“With the ongoing preparations for School Year 2021-2022, we are grateful to our 900,000-strong teachers who have displayed their unwavering passion to serve and educate the Filipino youth,” pahayag ng DepEd.
“We shall issue the corresponding guidelines on the grant of the said incentive soon,” dagdag pa nito.
Ang World Teachers’ Day (WTD), na kilala rin bilang International Teachers’ Day, ay taun-taon ginaganap tuwing Oktubre 5.
Sa Pilipinas, isang buwan ang pagdiriwang upang makilala ang makabuluhang papel ng mga guro sa pagtuturo sa mga batang Pilipino. Ginaganap ito sa pamamagitan ng National Teachers’ Month (NTM) simula Setyembre 5 bago ang selebrasyon ng National Teachers’ Day at WTD sa Oktubre 5.
Merlina Hernando-Malipot