Ang paglabag sa Covid-19 health protocols sa ginanap na heroes’ welcome para sa mga Olympic medalists sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay isang “exemption," ayon kay Presidential spokesman Harry Roque nitong Martes, Agosto 10.

Sinalubong nina Executive Secretary Salvador Medialdea at Sen. Christopher “Bong” Go kung saan makikitang nagkaroon pa ng photo opportunity ang dalawa kay Tokyo bronze medalist Eumir Marcial, at silver medalists Nesthy Petecio at Carlo Paalam sa kanilang pagdating sa NAIA Terminal 2 mula Tokyo, Japan.

Ang mga dumarating sa bansa ay kailangan dumiretso sa mga quarantine facilities kaya’t ang insidente ay seryosong paglabag sa itinakdang safety protocols.

“Siguro exception naman ‘yun. Alam natin kung ano ang protocol noh. I think ang nangyari naman very exceptional na nagwagi po sa kauna-unahang pagkakataon ang ating mga atleta sa Olympics at karapat-dapat lamang na bagamat may pandemya, magkaroon lamang sila ng heroes’ welcome,” sabi ni Roque said sa isang pahayag.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Pagsisiguro ni Roque, susundin ng mga atleta ang mga protocols at sasailalim sa sampung araw na quarantine kung hindi nakapagsumite ang mga ito ng proof of vaccination bago umalis ng Tokyo; o pitong araw kung mayroon na silang vaccination certificate.

Sa kabila ng mahigpit ng protocols, nakitang sinalubong din ng mga airport personnel ang tatlong atletabago ito inilipat sa presidential lounge para makausap si Pangulong Duterte via zoom.

“If at all, ang mga nagbuwis ng buhay po ay ‘yung mga sumalubong kasama na po diyan si Executive Secretary Medialdea at saka si Senator Bong Go,”dagdag ni Roque.

Kasalukuyan nang nasa kanilang quarantine facility sina Marcial, Paalam at Petecio para tapusin ang hanggang pito at 10 araw na quarantine bago makapiling ang kanilang mga pamilya.

Raymund Antonio