Wala pang plano sa ngayon ang Department of Health (DOH) na turukan na rin ng COVID-19 vaccine ang mga bata.

Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III, sa lingguhang Talk to the People nitong Lunes ng gabi, na kailangan pa ng masusing pag-aaral sa kaligtasan ng bakuna bago sila tuluyang magdesisyon kung babakunahan na rin ba ang mga bata laban sa COVID-19.

“Kinakailangan ng mas masusing pag-aaral ng safety ng pagbabakuna sa mga bata lalo na sa mga immunocompromised,” ulat ni Duque kay Pangulong Rodrigo Duterte at mga kapwa miyembro ng gabinete na dumalo sa pulong.

Ayon pa kay Duque, ngayong limitado pa rin ang suplay ng bakuna sa bansa, ang target na eligible population o yaong nasa 18-taong gulang pataas pa rin ang prayoridad na mabakunahan.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Ang bakuna sa matatanda ay nakabubuti sa kabataan. Hanggang kulang ang supplies, iminumungkahi natin na unahin muna ang nakatatanda,” aniya pa.

Nilinaw naman ni Duque na ikinukonsidera rin naman nilang bakunahan na ang mga children with comorbidities sa sandaling mag-stabilize na ang suplay ng bakuna sa bansa.

Nauna nang sinabi ng Food and Drug Administration (FDA) na kinakailangan ng bansa ng magbakuna ng karagdagang 12 milyon hanggang 14 na milyong indibiduwal kung isasama ng pamahalaan ang mga bata sa kanilang target population.

Sa ngayon, ang aplikasyon pa lamang ng Pfizer ang inaprubahan ng FDA para magamit sa pagbabakuna sa mga batang nasa edad 12 hanggang 17-taong gulang.

Mary Ann Santiago