Pumalo na ngayon sa mahigit 79,000 ang bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa. Matapos na makapagtala ng Department of Health (DOH) ng 8,560 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa nitong Martes.

Batay sa case bulletin no. 514 na inisyu ng DOH, lumilitaw na dahil sa mga bagong kaso ng sakit ay umakyat na ngayon sa 1,676,156 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas hanggang 4:00 PM ng Agosto 10, 2021.

Sa naturang bilang, 4.7% o 79,016 pa ang nananatiling aktibong kaso o nagpapagaling pa sa karamdaman at maaari pang makahawa.

Nakapagtala rin naman ang DOH ng 7,964 bagong gumaling sa karamdaman kaya’t umaabot na ngayon sa 1, 567,920 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 93.5% ng total cases.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Samantala, mayroon rin namang 92 katao pa ang namatay dahil sa kumplikasyong dulot ng COVID-19.

Sa ngayon, umaabot na sa 29,220 ang total COVID-19 deaths sa bansa o 1.74% ng total cases.

Kaugnay nito, sinabi rin ng DOH na may 118 duplicates silang inalis mula sa total case count, kasama dito ang 114 recoveries.

Mayroon rin namang pitong kaso na unang tinukoy na gumaling na sa karamdaman ngunit kalaunan ay natukoy na aktibong kaso pa pala.

Mayroon rin namang 29 pang kaso na unang na-tagged bilang recoveries ngunit nadiskubreng pumanaw na pala sa pinal na balidasyon.

Sinabi pa ng DOH na ayon sa pinakahuling ulat, ang lahat ng mga laboratoryo ay operational noong Agosto 8, 2021 habang mayroong 13 laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).

Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 13 labs na ito ay humigit kumulang 2.8% sa lahat ng samples na naitest at 2.8% sa lahat ng positibong mga indibidwal.

Idinagdag pa ng DOH na ang daily counts ay apektado ng output mula sa laboratories sa buong bansa.

Anito pa, ang ‘relatively low case counts’ nitong Martes ay dahil sa mababang laboratory output noong Linggo.

Mary Ann Santiago