Sa tuwing sasapit ang buwan ng Agosto, tiyak na abalang-abala na naman ang mga guro ng asignaturang Filipino at iba pang mga propesyunal sa wika upang gunitain ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa. Ngayong 2021, ang tema ng pagdiriwang ay "“Filipino at mga Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino.”

Screenshot mula sa KWF

Ngunit nakalulungkot na kahit halos isang buwan ang inilalaan para gunitain ang pagkakaroon ng wikang pambansang magbubuklod sa lahat, tila hindi pa rin malinaw sa marami kung ano nga ba ang pagkakaiba ng wikang Tagalog, wikang Pilipino, at wikang Filipino.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Ang wikang Tagalog ang pinagbatayang katutubong wika upang mabuo ang wikang pambansa. Mula sa kauna-unahang panahon ng ating mga ninuno hanggang sa panahon ng pamahalaang Commonwealth, naging problema ng bansa kung ano ang magiging wikang panlahat na makapagbubukod sa buong kapuluan.

Maaalala rin na Espanyol at Ingles ang mga wikang ginagamit na panturo sa mga paaralan bunga ng matagal na pananakop nila. Dahilan dito, nang isulong ang pagbubuo ng Konstitusyon noong 1935, sinikap ng mga mambabatas na magkaroon ng probisyon para sa pagkakaroon ng isang wikang tatawaging pambansang wika. Nakasaad iyon sa sa Artikulo 14 Seksyon 3 ng Konstitusyon 1935.

Pinangunahan ni dating Pangulong Manuel L. Quezon ang mga hakbang tungo sa seleksyon ng magiging pambansang wika. Naitatag ang Surian sa Wikang Pambansa o SWP. Nagsagawa sila ng mga pag-aaral batay sa mga wikang katutubong maaaring pagpilian, at ang namukod-tangi nga ay wikang Tagalog. Ginawang criteria sa pagpili ang mga sumusunod: wikang may maunlad na estruktura nito, may mekanismo at panitikan, at ginagamit ng nakararaming Pilipino.

Matapos ang ilan pang mga pormal na proseso, ipinahayag na simula Hulyo 4, 1946, sa bisa ng Batas Commonwealth Blg. 570, isa na ang Tagalog na gagamitin bilang wikang opisyal sa mga sangay ng pamahalaan.

Marami ang kumontra sa pagkakapili ng Tagalog bilang wikang pambansa dahil 'bias' umano ito, kaya naman pinalitan ito ng terminong wikang PIlipino noong Agosto 13, 1959, sa bisa ng Kautusang Pangkagawaran Blg. 7. Ang paggamit ng terminong Pilipino ay isang hakbang tungo sa pag-aalis ng rehiyunalismo at nagbubunga ng pagsasabansa ng dating panrehiyon o diyalekto (Catacataca, et al, 2005). Pinalitan ang SWP ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas o LWP.

Hindi naglaon, sa bisa ng Konstitusyon 1987, muling pinalitan ang terminong wikang Pilipino sa wikang Filipino. Nakasaad ito sa Artikulo 14 Seksyon 6. Ibig sabihin, ang wikang Filipino ay komposisyon ng wikang Tagalog, mga wikang katutubo sa Pilipinas, at mga banyagang wika na nasa sistema na natin. Pasok na rito ang walong hiram na letra gaya ng c, f, j, ñ, q, v, x, at z. Ang LWP ay naging Komisyon sa Wikang Filipino o KWF. Sa kasalukuyan, ang punong komisyoner nito ay si Arthur Casanova.

Screenshot mula sa PNA

Kaya naman, kung tatanungin ka kung ano ang wikang pambansa ng Pilipinas, batay sa Saligang-Batas, ito ay wikang Filipino.