Pinuri ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang tuloy-tuloy na pagbabakuna sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela o ang CAMANAVA, kahit sa gitna pa ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila.

Paglalahad ni MMDA Chairman Benhur Abalos, “maayos, sistematiko at maigting” ang pagbabakuna ng local government units (LGU) sa unang dalawang araw ng ECQ.

Pinangunahan ni Abalos nitong Sabado, Agosto 7, ang inspeksyon sa mga vaccination sites sa CAMANAVA, kabilang ang Pasolo Elementary School sa Valenzuela, Robinsons Townmall sa Malabon, Navotas City Hospital at sa Caloocan Sports Complex.

Ayon kay Abalos, ibinahagi ng lahat ng local chief executives na tumaas ang bilang ng vaccination rates kumpara sa inisyal na target habang may ECQ.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Sa ulat naman ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan, mula 6,000 na target, umabot mula 17,000 hanggang 20,000 indibidwal ang nababakunahan nila bawat araw.

Tatlong beses naman ang itinaas ng daily target hanggang 10,000 mula sa inisyal na 3,000 hanggang 5,000 vaccine shots, ang naisasagawa sa lungsod ng Navotas, ayon kay Cong. John Rey Tiangco.

Sa Malabon City, ibinahagi rin ni City Mayor Antolin Oreta na mula sa daily average target na 3,100 ay tumaas hanggang 6,000 ang nababakunahan sa lungsod bawat araw.

Samantala, mula 5,200 shots bago ang ipinatupad ang ECQ, umaabot na hanggang 10,000 indibidwal bawat araw ang nababakunahan sa Valenzuela, ayon kay Mayor Rex Gatchalian.

Ang mas pinaigting aniya na pagbabakuna sa mga lungsod ay malaking bahagi para maabot ang target na 250,000 vaccine shots sa loob ng dalawang linggong nasa ECQ ang Metro Manila.

Dagdag ni Abalos, ang ipamamahaging bakuna ay mula sa dagdag na 4 milyong doses na inilaan ng national government.

“Our goal is to inoculate 12.6 million or at least 45% of the total residents from NCR to achieve population protection the soonest possible time,” dagdag pa ni Abalos.

Alexandria Dennise San Juan