Nakiusap ang Malacañang na huwag sisihin ng mga local chief executive si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pagdagsa ng mga magpapabakunasa vaccination sites nitong nakaraang linggo.

Nangyari aniya ang insidente dahil umano sa takot ng mga tao na hindi makalalabas ang hindi bakunado habang ipinatutupad ang ECQ (Enhanced Community Quarantine).

Ipinaliwanag ni Presidential Spokesman Harry Roque na nangyari ang insidente matapos lumabas sa social media ang pahayag ng Pangulo na lilimitahan ang galaw ng mga hindi bakunado.

Ang insidente ay nasaksihan sa mga vaccination sites Metro Manila at Calabarzon (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon) isang araw bago ipatupad muli ang ECQ.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

“Nangyari po ang pagdumog ng mga tao sa ilang vaccination sites noong madaling araw ng Huwebes, August 5. Kailan po huling nagsalita ang Presidente tungkol sa bagay na ito? July 28 pa po,” paglilinaw ni Roque sa isang pulong balitaan nitong Lunes, Agosto 9.

“Lunes po huling nagsalita ang Presidente. Kung talagang reaksyon po ‘yan sa sinabi ni Presidente, dapat po ‘yan ay nagsiksikan na Tuesday pa lang or Wednesday. pero hindi po nangyari yun,” dagdag pa niya.

Nilinaw ni Roque na tinutukoy lamang ng Pangulo ay ang mga nasa vaccination priority list na A2 (senior citizens) at A3 (persons with comorbidities) na patuloy na tumatangging magpabakuna.

“‘Wag nating lagyan ng kulay yung mga sinabi ni Presidente. Hina-highlight po niya doon 'yung mga ayaw magpabakuna na nasa A2 at A3, malinaw po ‘yan sa konteksto ng sinasabi ni Presidente,” aniya.

Idinahilan nito na sa halip na sisihin ng LGUs ang Pangulo, dapat umanong tanggapin ang katotohanang responsibilidad nila ang pagtitiyak ng maayos na pagbabakuna.

“‘Wag naman kayong magbabaling ng pula sa ating Presidente. The bottom line is katungkulan niyo pa rin na kayo ang magpatupad ng maayos at makataong pagbabakunahan,” ayon pa kay Roque.

Argyll Cyrus Geducos