Wagi ng silver medal ang mga pambato ng Philippine Science High School na sina Nathan Wayne Ariston (Central Mindanao Campus) at Ron Angelo Gelacio (Main Campus) habang bronze medal naman ang nasungkit ni Aames Juriel Morales mula sa De La Salle University Integrated School (Senior High School) na nasa Manila Campus, sa ginanap na 53rd International Chemistry Olympiad (IChO) virtual edition sa Japan.
Kasabay ito ng pagsabak ng mga Pilipinong atleta sa 2020 Tokyo Olympics kamakailan, nagpakitang-gilas naman ang mga ito sa husay nila sa chemistry.
Sa isang televisoion interview nitong Agosto 6, sinabi ni Nathan na ang chemical problem na kinailangan niyang i-solve sa Olympiad ay tungkol sa hydrogen storage.
“Sabi nila, the future daw ng electric car and 'yung vehicle mismo ay 'yung fuel cells na hina-harness na reaction ay by product ng water, so it needs hydrogen storage. 'Yun ang tinackle ng problem. Problem No. 1 pa talaga 'yun. Nahirapan ako roon," aniya.
Ayon pa kay Nathan, malaki ang potensyal ng mga Pilipino na maging advance sa science and technology, kung paglalaanan pa ito ng suporta at pondo ng pamahalaan. Naniniwala siyang marami pang matatalinong Pilipino na naghihintay lamang ng magandang oportunidad.
Nangako sila na anuman ang kanilang matututuhan at makakamit pa sa larangan ng agham at teknolohiya ay gagamitin nila iyon upang makapag-ambag sa pag-unlad ng Pilipinas.
Ang IChO na taunang timpalak para sa pinakamahuhusay na high school students sa chemistry ay unang isinagawa noong 1968.
Bawat bansang kalahok ay nagpapadala ng koponan na kinabibilangan ng apat na estudyante, at isinasalang sa limang oras na laboratory practical at limang oras na written theoretical examinations.
Samantala, nagpaabot na ng pagbati ang Philippine Chemistry Olympiad, Integrated Chemists of the Philippines, at ang kani-kanilang mga paaralan para sa karangalang dinala nila sa bansa.