Lilinawin pa lang ng pamahaalan ng Pilipinas sa Hong Kong ang ilang patakaran kaugnay ng pagtatapos ng travel ban para sa mga nais magbalik na overseas Filipino workers (OFWs), ayon sa Department of Foreign Affairs.

“Initial report seems to confirm this (lifting of travel ban) but there are still conditions needing clarification,” paliwanag ni DFA Assistant Secretary for Strategic Communications Eduardo Meñez.

Kabilang aniya sa kakailanganing dokumento ng mga awtoridad ng Hong Kong ang “recognized” na vaccination card.

Hindi pa malinaw kung kikilalanin ng Hongkong ang yellow card o ang vaccination passport na mula sa Bureau of Quarantine (BOQ) ng Department of Health (DOH).

Una nang naiulat nitong Linggo na handang bawiin ng Hong Kong ang travel ban para sa halos 3,000 OFWs na nananatiling stranded sa Pilipinas sa basta bakunado na ang mga ito.

Binanggit din ng DFA na lilinawin pa lang din nila sa mga awtoridad sa Hongkong ang haba ng quarantine period para sa mga magbabalik na OFWs.

Naiulat na 14 na araw pa rin ang hinihinging quarantine period mula sa araw na dumating sa special administrative region ang mga magbabalik na manggagawa kahit sila’y bakunado na.

Gayunman, nilinaw ni Mendezna kinakailangan pa rin ng 21-day quarantine period batay na rin sa airport webpage ng Hong Kong.

Tinatayang nasa 220,000 OFWs ang kasalukuyang nasa Hong Kong at hindi pa aabot sa 50 porsyento ang nababakunahan sa mga ito.

Roy Mabasa