Kung inaakala mong sa Pilipinas lamang sikat ang mga karaniwang street food natin, nagkakamali ka!
Patok na patok ngayon ang negosyong ihaw-ihaw ng Pinoy vendor na si Robin John Calalo sa Woodside, Queens, sa New York City sa Amerika, na kilala ngayon sa bansag na 'Boy Isaw.' Mga paninda niya ay tipikal na mga iniihaw na street food gaya ng isaw, betamax (binuong dugo ng manok), adidas (paa ng manok), helmet (ulo ng manok), tainga ng baboy, balun-balunan, at marami pang iba.





Ayon sa panayam ng GMA News, 2019 nang simulan ni Robin John ang kanyang negosyo. Nag-crave lamang daw siya umano sa mga naturang street food. Namalengke umano siya sa halagang $50. Sinubukan umano niyang magluto nang marami, at lakas-loob na ibinenta ang iba. Ang unang customers umano niya ay mga kaibigan at kaanak.
Nang makita niyang patok ito sa mga kababayan at maging sa mga dayuhan, dito na siya nagsimulang mag-isip na pasukin na ang pagnenegosyo. Sinimulan niya ang kanyang street food business sa puhunang $50 o Php 2,500.
Bawat stick ng street food na ibinebenta niya ay nagkakahalagang $3.50 o may katumbas na Php175. Kapag gusto ng kanin, ito ay may dagdag na $2 o Php 100 at may promo siyang $14 (Php 700) kada tatlong stick at may libreng drink pa.
Ngayon, kumikita na umano siya ng Php 200,000 kada linggo o Php 800,000 kada buwan.
Sinasamantala ni Robin John ang pagkakataon kapag may food fair sa kanilang lugar. Dahil mas maluwag na ang quarantine kahit may pandemya sa New York, tuloy-tuloy ang benta ni Robin John.
Bukod pa sa pagtitinda sa mismong ihawan niya, nag-oonline selling din umano siya ng ready-to-grill street food products on stick sa kanyang customers upang maranasan ng customers ang pag-iihaw sa mismong mga tahanan nila.

Bagama't isang fitness instructor si Robin John, pinapaalala naman niya sa lahat na wala namang masamang kumain ng street food, lalo na kung malinis naman ang pagkakahanda at pagkakaluto, at in moderation lamang.