Kinumpirma ni Manila Mayor Isko Moreno na 65% ng mga naitatalang COVID-19 patients sa lungsod na kasalukuyang naka-confine sa mga pagamutan doon ay pawang hindi bakunado.
Base naman sa In-Patient Vaccination Status ng mga ospital ng Maynila, sinabi ni Moreno na 11% ng mga pasyente ng COVID-19 na nasa mga city-run hospitals ay partially vaccinated habang 24% naman ang fully-vaccinated.
“Ito ang dahilan kung bakit araw-araw, linggo-linggo ang aking panawagan na magpabakuna, kahit gaano kahirap, dahil ‘yun ay tiyak na proteksyon sa tao. Kapag di ka bakunado, malaki ang tiyansa na ikaw ay maimpeksyon. I hope maliwanag sa inyo magkaideya kayo bakit ako nangangampanya na tayo ay magpabakuna. Kaya kahit mahaba pila, mainit, umuulan, di talaga ako titigil dahil ito ay science, hindi hula o pananaw lamang,” sabi ni Moreno.
Kaugnay nito, iniulat rin ng alkalde na ang ipinatayo nilang Manila COVID-19 Field Hospital (MCFH) sa Luneta ay malapit na ring umabot sa full capacity, batay na rin sa ulat ng direktor nito na si Dr. Arlene Dominguez.
Ayon kay Moreno, 88% o 302 ng kabuuang 344-bed capacity ng MCFH ay okupado na sa ngayon.
Samantala, pinangunahan rin naman ng alkalde ang paglulunsad ng 24/7 mass vaccination sa Maynila nitong Linggo.
Nanawagan pa ang alkalde sa mga residente na pairalin ang basic health protocols at self-discipline at intindihin ang umiiral na regulasyon sa kanilang pagpapabakuna.
Mary Ann Santiago