Umabot na ngayon sa 77,516 ang aktibong coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa matapos na makapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng 9,671 na bagong kaso ng sakit nitong Linggo ng hapon, habang nasa 287 pasyente naman ang iniulat na namatay.
Sa case bulletin No. 512 ng DOH, umabot na ngayon sa 1,658,916 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Sa naturang bilang, 4.7% o 77,516 pa ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman, kabilang dito ang 93.2% na mild cases, 2.8% na asymptomatic, 1.7% na severe, 1.20% na moderate at 1.0% na critical cases.
Nakapagtala rin naman ang DOH ng 8,079 pang pasyente na gumaling sa sakit kaya’t umaabot na ngayon sa 1,552,278 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 93.6% ng total cases.
Naitala rin ang 287 pang pasyente na namatay dahil sa kumplikasyong dulot ng COVID-19, kaya’t umaabot na ngayon sa 29,122 ang total COVID-19 deaths ng bansa o 1.76% ng total cases.
Ayon sa DOH, mayroon din namang 96 duplicates silang inalis mula sa total case count, kabilang na ang 92 recoveries.
Nabanggit din ang tatlong kaso na unang tinukoy na recoveries, gayunman, nang i-validate ay aktibong kaso pa pala.
Nasa 149 kaso naman ang unang tinukoy na recoveries na, gayunman,natuklasan sa huling validation na namatay na pala ang pasyente.
“Daily case counts are affected by the output from the laboratories nationwide. The relatively low case count today is due to lower laboratory output last Friday,” pagdidiinpa ng DOH.
Mary Ann Santiago