Kinumpirma ni Dr. Jonas Del Rosario, ang tagapagsalita ng Philippine General Hospital (PGH), na hanggang sa ngayon ay puno o full capacity pa rin ang pediatric COVID-19 ward ng kanilangpagamutan.

Ayon kay Del Rosario, hindi pa nababakante ang kanilang pediatric COVID-19 ward na may 8-bed capacity at karamihan aniya sa mga batang naa-admit ay may mga kumplikadong kaso ng sakit.

May mga bata aniya silang na-admit na may complex underlying diseases ngunit nagpositibo sa COVID-19, ang iba ay nagkaroon ng pneumonia at kinakailangang i-intubate habang mayroon ding dalawang batang pasyente ang nagkaroon ng multisystem inflammatory syndrome in childhood.  

Nabatid na hindi naman ito ang unang pagkakataon na napuno ang pediatric COVID-19 ward ng PGH dahil nangyari na rin, anila, ito noong nagkaroon ng surge noong Marso at noong 2020.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

“Nung time na nagkaroon ng surge nung March at last year din napuno din ang aming COVID wards so reflective 'yan ng tinatawag nating surge o mataas na transmission. Ang kaibahan lang ngayon parang observation namin may sakit sila kasi nung last time 3 ang naka-intubate, 4 doon kailangan ng supplemental oxygen,” aniya pa.

Kaugnay nito, nilinaw naman ni Del Rosario na wala silang intensiyon na maghasik ng takot at sa halip ay nais lamang nilang ibahagi sa mga tao ang sitwasyon sa kanilang pediatric COVID ward at bigyan ng babala ang mga magulang.

“It's more of to warn our parents, our guardians, mga tao na nag-aalaga sa kanila, mostly sa kanila nanggagaling 'yung transmission. Sila ang nakakahawa sa kanilang mga anak. Mag-ingat po sila at kung pwede sana magpa-vaccinate na 'yung hindi pa nagpapa-vaccinate para lalo pong ma-lessen ang chance na mahawa natin ang ating mga anak,” aniya.

“Ang message sanang gusto naming sabihin sa public ay nagkaka-COVID po ang mga bata. Kadalasan po mild lang usually ang manifestation nila. Kaya lang po dahil very transmissible at contagious ang Delta variant at sabi nila 'pag nakuha mo 'yan mataas 'yung viral load, may chance po na minsan 'yung mga bata severe disease ang makuha nila,” dagdag pa niya.

Samantala, sinabi rin ni Del Rosario na bagamat full capacity ang ICU ng PGH ay maaari pa ring silang mag- accommodate ng mga pasyente sa mga ward.

Sa kasalukuyan aniya, ang PGH COVID-19 ward na may 225 beds, ay mayroon nang 169 COVID-19 patients.

Mary Ann Santiago