BAGUIO CITY – Nakapasok na sa rehiyon ng Cordillera ang kinatatakutang Delta coronavirus disease 2019 (COVID-19) variant at unang naitala ito sa Pudtol sa Apayao, nitong Agosto 6.
Iniulat ng Provincial Inter-Agency Task Force (PIATF) sa pamumuno ni Governor Eleanor Bulut-Begtang na isinailalim na sa lockdown ang nabanggit na bayan kasunod ng abiso ng Philippine Genome Center (PGC) na isang Delta variant case ang naitala sa lugar.
Dahil dto, nagsagawa na ang PIATF at Pudtol IATF ng contact tracing activities sa mga indibdwalna nakasalamuha ng nakumpirmang tinamaan ng Delta variant at agad na isinailalim sa RT-PCR testing ang mga ito, ayon kay Begtang.
Aniya, ang Delta case ay natuklasan sa isinumiteng specimen sa PGC mula sa isang confirmed case noong nakaraang buwan. Paglilinaw ni Begtang, ang nasabing confirmed case ay fully recovered na noong Hulyo.
“Bagama’t sa hindi inaasahang insidente, the situation is under control. Panawagan ko sa mga residente na doble pag-iingat at iwasan ang paglabas ng bahay, kung hindi naman importante at panatilihin ang health protocols, social distancing and practice of proper hygiene at all times,” panawagan ni Begtang.
Sa Baguio City, pinalawig naman niMayor Benjamin Magalong ang pagsuspinde sa non-essential travels sa Summer Capital, kabilang ang mga turista, maliban kung ang kanilang pinanggalingan ay ligtas laban sa banta ng COVID-19 Delta variant.
“Muli akong nanawagan sa ating mga residente na iwasan o limitahan ang pagbibiyahe palabas ng lungsod, maliban lamang kung ito ay napakahalaga. Doblehin natin ang pag-iingat at patuloy na isagawa ang health protocols sa lahat ng oras," pahayag ni Magalong.
“Due to the higher transmissibility of the Delta variant, we must take necessary steps to mitigate its impact in our community,” pahabol nito.
Inirekomenda na rin ng city government ang pagsuot ng dobleng face masks at pagbabawas ng manpowercapacity sa mga workplaces.
Sa report ng Department of Health, pumalo na sa 450 Delta variant cases sa bansa, matapos maitala ang karagdagang 119 noong Agosto 6.
Zaldy Comanda