Itinakda na ng Department of Education (DepEd) sa susunod na linggo ang pagsisimula ng enrollment ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan para sa School Year 2021-2022.

Batay sa inilabas ng calendar of activities ng DepEd, nabatid na ang enrollment period o pagpapatala ng mga estudyante ay sisimulan sa Agosto 16, 2021 at magtatagal lamang ng hanggang Setyembre 13, 2021, na siya ring unang araw ng pagbubukas ng klase.

Matatandaang nakapagsagawa na rin naman ang DepEd ng early registration mula Marso 26 hanggang Abril 30, 2021 para sa mga mag-aaral na papasok sa Kindergarten, Grade 1, Grade 7 at Grade 11 students, kung saan milyun-milyong mag-aaral na rin naman ang nakapagparehistro.

Anang Deped, ang first academic quarter ngayong SY 2021-2022 ay magsisimula ng Setyembre 13 hanggang Nobyembre 12, 2021 habang ang second academic quarter naman ay magsisimula ng Nobyembre 15, 2021 hanggang Enero 28, 2022.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Itinakda naman ng DepEd ang Christmas break ng Disyembre 20, 2021 hanggang Enero 2, 2022.

Sa Enero 3, 2022 ay muling magpapatuloy ang klase ngunit magkakaroon ng mid-year break mula Enero 31 hanggang Pebrero 5, 2022.

Sa Pebrero 7 hanggang Abril 8, 2022 ay itinakda naman ang third academic quarter habang ang fourth academic quarter naman ay sa Abril 11 hanggang Hunyo 24, 2022.

Magtatapos ang school year sa Hunyo 24, 2022 habang maaaring idaos ng mga paaralan ang kanilang mga end-of-school year rites gaya ng recognition, moving-up at graduation day mula Hunyo 27 hanggang Hulyo 2, 2022.

Itinakda naman ng DepEd mula Hulyo 4 hanggang Agosto 12, 2022 ang pagsasagawa ng remedial, enrichment at advance classes.

Ayon sa DepEd, ang SY 2021-2022 ay bubuuin ng 209 na araw, kabilang ang mga araw ng Sabado at 5-day midyear break.

Sinabi pa ng DepEd na ang mga paaralan ay maaaring mag-obserba ng national at local celebrations, activities at holidays, basta’t ito ay beneficial sa teaching-learning process at hindi makukumpromiso ang kabuuang bilang ng araw ng klase ng mga bata.

Samantala, binigyan naman ng DepEd ang mga pribadong paaralan at mga state/local universities at colleges na nagbibigay ng basic education, ng kalayaang sundin ang sarili nilang kalendaryo, ngunit ang pagsisimula ng kanilang klase ay dapat na hindi mas maaga sa unang Lunes ng Hunyo at hindi rin lalagpas sa Setyembre 13, 2021.

Binigyang-diin rin ng DepEd na dahil sa COVID-19 pandemic ay bawal pa rin ang face-to-face classes, partial o full scale man ito, maliban na lamang kung pahihintulutan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Mary Ann Santiago