Viral ngayon ang Facebook post ng isang concerned netizen na si Pearl Jhene David matapos niyang ibahagi ang nakadudurog ng pusong engkuwentro niya sa dalawang batang nanlilimahid at namamalimos sa isang overpass: ang isa, inaapoy pa ng lagnat!

Salaysay ni Pearl sa panayam ng Balita Online, ginawa niya ang post hindi para magpapansin o magbida-bida, gusto raw umano aniyang makatulong sa magkapatid. Naraanan niya sa isang overpass ng isang mall sa Pampanga ang dalawang batang namamalimos na may balot pa ng plastik sa katawan, dahil umulan-ulan nang mga panahong iyon.

Nang usisain ni Pearl ang dalawang bata, sinabi ng panganay na si Aldrin na namamalimos sila dahil may sakit ang bunsong si Santino. May urinary tract infection daw ito o UTI. Ang nanay raw nila na si Arlyn Ortega ay nangangalakal ng basura upang may pantawid-gutom sila.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Larawan mula sa FB/Pearl Jhene David

Larawan mula sa FB/Pearl Jhene David

"Halos madurog yung puso ko at naiiyak noong nakita ko silang dalawa lalo na yung bata, kasi nilalagnat. Nanginginig pa siya habang mahimbing na natutulog sa may hagdan. Tinanong ko kung nasaan yung Papa nila, may sakit din daw, lagi raw nahihilo at nilalagnat," aniya sa Facebook post.

"Pinapauwi ko na sila kasi maggagabi na at napakalakas ng ulan, ayaw pa nilang umuwi. Gusto raw nilang makalimos sila kahit P200 pesos lang para may ipambili sila ng bigas at uulamin pati na rin ng gamot ni Baby Santino. Halos gusto ko na silang iuwi sa bahay pero paano kapag hinanap sila ng magulang nila?"

Larawan mula sa FB/Pearl Jhene David

Kaya naman ang tanging nagawa na lamang niya ay bigyan nang kaunting pera ang dalawang bata. Ibinigay rin niya kay Aldrin ang cellphone number niya at binilinan itong sabihing sa Mama nila na tawagan siya, upang makahanap pa siya ng ibang paraan upang matulungan sila.

Panawagan ni Pearl sa mga netizen na madaraanan ang dalawang bata sa overpass ng SM/Robinsons Starmills, sana raw ay matulungan sila.

"Sana kahit papaano makatulong itong ginawa kong pag-post para may tumulong sa kanilang magkapatid lalo na kay Baby Santino na may sakit. Halos 'di na po makabangon yung bata kanina, nanghihina siya sa gutom," ani Pearl.

Ibinigay naman ni Pearl ang kaniyang GCash number sa FB post niya, para sa mga taong maaabot ng kaniyang viral post, at nang mabigyan ng tulong ang pamilya ng dalawang bata. Giit niya, anuman ang malilikom niya ay hindi naman niya gagamitin sa personal na pangangailangan, kundi para nga sa mga bata, lalo na kay Santino.