Bigo mang naiuwi ni Carlo Paalam ang gintong medalya sa 2020 Tokyo Olympics, napatunayan pa rin ng magiting na atleta na kahit malaking suliranin ang kahirapan, mas mabigat ang tagumpay na katumbas nito.

Ang silver medal ng flyweight boxer ay dadagdag sa hanay nila Hidilyn Diaz (Gold), Nesthy Petecio (Silver) at Eumir Marcial (Bronze) sa mga Pilipinong atletang nakapag-uuwi ng medalya, sa magtatapos nang 2020 Tokyo Olympics.

Larawan mula AFP

Human-Interest

Paano nga ba mag-goodbye ang ilang Gen Zs bago mag-New year?

Kagaya ng ilang mga atletang sinubok din ng kahirapan bago maging kinatawan ng Pilipinas, ang kuwento ni Carlo Paalam ay isa ring naratibo ng pag-alpas sa hirap ng buhay.

Ayon sa PhilBoxing website, 7 taong gulang lang nang tumigil sa pag-aaral si Carlo. Taong 2009, unang sumabak si Carlo sa isang lokal na boxing tournament.

Sa pamamagitan ng suportang natanggap mula sa lokal na pamahalaan ng Cagayan de Oro, nagkamit ng unang gintong medalya si Carlo sa 2013 Philippine Games o Batang Pinoy.Kalauna’y pinalad siyang nakapasok sa pambansang kupunan kung saan ay lumaban si Carlo sa ilang tournaments sa loob at labas ng bansa.

Pinanganak si Carlo Paalam sa Bukidnon at laking lansangan ng Cagayan de Oro sa Misamis Oriental sa Mindanao. Sa murang edad na 9 na taong gulang, naranasan ni Carlo ang mangalakal ng basura para matugunan ang kumakalam na sikmura. Napilitan na maghanapbuhay ang batang Carlo matapos iwan sila ng kanyang ina.

Sa unang pagkapanalo ni Carlo sa boxing ring, bigas ang binili ng Bukidnon-champ sa naiuwing premyo.

Tutol pa ang ama na si Peo Paalam na tahakin ni Carlo ang mundo ng boxing dahil “maliit na bata” noon si Carlo at “nanggaling siya sa pangangalakal,” pagsasalaysalay nito sa ulat ng TV Patrol.

Sa pagpupursige ni Carlo, sa huli, ay buong suporta pa rin ang naging desisyon ng ama sa pangarap nito sa boxing ring.

Sa unang sabak ni Carlo sa SEA Games, tanging siya lang ang umuwing luhaan matapos bigong makapag-uwi ng medalya. Naging kontrobersyal din ang pagkatalo ni Carlo sa ginanap na 2017 SEA games kung kaya’t lalong nagutom ito sa tagumpay.

Taong 2018 nang mag-uwi ng bronze medal si Carlo sa ginanap na Asian Games sa Jakarta. Lalo lang namayagpag ang boksingero nang gintong medalya naman ang masungkit sa 2019 Southeast Asian Games, dahilan para asamin ang gintong medalya sa nagaganap na Tokyo 2020 Olympics.

Nitong Hulyo 8, tinalo via split decision ni Galal Yafai ng Great Britain ang pambato ng Pilipinas.