Dahil sa muling paglobo ng kaso ng coronavirus disease 2019 o COVID-19 at banta ng Delta variant, nagdesisyon ang pamahalaan, partikular na ang Inter-Agency Task Force (IATF) na muling isailalim ang Metro Manila sa enhanced community quarantine (ECQ) mula Agosto 6-20, habang ang Bulacan naman na kalapit lamang nito ay nasa general community quarantine (GCQ) with heightened restrictions.

Agosto 1 pa lamang, nagsimula na ulit ang paunti-unting checkpoints, para sa mga taga-San Jose Del Monte, Bulacan na luluwas sa Metro Manila. Sa halip na madismaya at uminit ang ulo, idinaan na lamang sa pabirong Facebook post ng netizen na nagngangalang "Paul Sanchez Laude" ang paglalarawan sa sitwasyon sa tinatawag na 'Tulay' na nagdurugtong sa San Jose Del Monte at North Caloocan City at Quezon City.

Inihambing niya ang mga pangyayari sa TV hit na drama fantasy series na 'Encantadia' gamit ang nakitang kuhang larawan mula sa Facebook post ni "Khrystian Paul Paglicauan." Nilagyan niya ito ng caption na, "Sarado na naman ang tulay na nagdudugtong sa mundo ng mga tao at mga Hathor."

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

May be an image of motorcycle, road and text
Larawan mula sa FB/Paul Sanchez Laude/Khrystian Paul Paglicauan

Ang mga 'Hator' o 'Hathor' ay tumutukoy sa mga mamamayan ng Hathoria, isa sa mga kaharian sa Encantadia. Pinamumunuan ito ni Hagorn, na ama naman ni Pirena, isa sa mga sanggre, na tagapangalaga naman ng brilyante ng apoy.

Si Hagorn ay ginampanan nina Pen Medina (orihinal na bersyon) at John Arcilla (remake).

Pumatok naman ito sa iba pang mga netizen kaya umani ito ng samu't saring reaksyon, komento, at shares sa social media.

Sa social media post ni Paul, 22, at kumukuha ng BS Hospitality Management sa isang kolehiyo sa SJDM, Bulacan, hindi niya maitago ang pagkalungkot sa muling pagbabalik ng ECQ.

"It's actually sad because balik na naman tayo sa ECQ, may mga tao na namang mawawalan ng trabaho because of this lockdown," pahayag nito sa Balita Online.

Nang tanungin kung lockdown lang ang solusyon upang maresolba ang problema laban sa COVID-19, "Well, it's ironic na nag-declare ng ECQ ang NCR para maiwasan ang pagkalat ng Delta variant, pero libu-libong tao 'yung nag-uumpukan at pumipila nang walang social distancing sa mga vaccination site para mabakunahan. It's actually nonsense. And I think may mga bagay na mas kailangang bigyang-pansin ngayon, katulad na lamang ng mas mabilis at organisadong vaccine rollout at sapat na vaccine supplies para sa lahat," tugon pa niya nang tanungin kung lockdown lang ang susi upang maresolba ang problema laban sa COVID-19 sa bansa.