Kinumpirma ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes na lahat a ng lugar sa Metro Manila ay nahawaan na ng Delta variant ng COVID-19.
Ito ang kinumpirma ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang pulong balitaan.
Sinabi ni Vergeire na base sa kanilang datos, 83 sa 116 bagong kaso ng Delta variant na naitala, ang nagmula sa Metro Manila.
Dalawampu't tatlo na aniya ang naitalang kaso ng variant sa Las Piñas.
Sumunod naman ang Pasig City na may 21 kaso; lungsod ng Maynila na may 16 kaso at Malabon City na may 12 kaso.
Ani Vergeire, sa ngayon ang Pateros at Malabon ay klasipikado na bilang critical-risk areas sa COVID-19 dahil sa high moving two-week case growth rate, moving average daily attack rate, at bed occupancy rate nito.
Ang lahat naman ng iba pang lugar sa rehiyon ay klasipikado na rin bilang high-risk maliban sa Caloocan at Marikina, na nasa kategorya naman bilang moderate-risk.
Bukod naman sa Pateros at Malabon, ang Quezon City ay nakapagtala rin ng high bed utilization rate na 71.32% hanggang noong Agosto 4.
Ang mga lugar naman na may high-risk intensive care unit (ICU) utilization rate ay ang Quezon City, San Juan, Makati, Muntinlupa, at Las Piñas.
Mary Ann Santiago