Umaabot na ngayon sa 450 ang total cases ng Delta variant ng COVID-19 na naitala sa bansa.

Ito’y matapos kumpirmahin ng Department of Health (DOH), University of the Philippines - Philippine Genome Center (UP-PGC), at University of the Philippines - National Institutes of Health (UP-NIH) sa kanilang PH Genome Center Biosurveillance Report na nakapagtala pa sila ng karagdagan pang 119 bagong kaso ng Delta variant sa bansa nitong Biyernes.

Bukod naman sa mga Delta variants, nakapagtala rin ang ng 125 karagdagan pang kaso ng Alpha variant, 94 kaso ng Beta variant, at 11 kaso ng P.3 variant mula sa latest batch ng mga samples na isinailalim sa sequencing ng UP-PGC.Nabatid na umaabot na sa 10,473 ang kabuuang samples na na-sequenced ng UP-PGC.

Ayon sa DOH, sa bagong 119 Delta variant cases, 93 ang local cases, 20 ang Returning Overseas Filipinos (ROF), at anim ang biniberipika pa kung lokal o ROF cases.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa 93 local cases, 18 cases ang nasa National Capital Region (NCR), habang 14 ang mula sa CALABARZON, 18 sa Central Luzon, 31 sa Western Visayas, walo sa Northern Mindanao, at may tig-isang kaso ang Central Visayas, Eastern Samar, Zamboanga Peninsula, at Cordillera Administrative Region (CAR).

Base sa case line list, 118 kaso ang nakarekober na habang isa ang biniberipika pa kung ano ang kinalabasan.Lahat ng iba pang impormasyon ay bina-validate ng regional at local health offices.

“This brings the total Delta variant cases to 450. Delta variant cases have been detected in all 17 cities and municipalities in NCR,” anang DOH.

Sa kabuuang 450 Delta variants o B.1.617.2 variant, na unang natukoy sa India, 12 pa ang aktibong kaso, 428 ang nakarekober na, at siyam naman ang kumpirmadong binawian ng buhay.

Samantala, sa mga bagong 125 Alpha variants naman, 115 ang local cases, anim ang ROFs, at apat ang kasalukuyang biniberipika pa kung local o ROF cases.

Base sa case line list, tatlo sa mga ito ang namatay na at 122 kaso ang nakarekober na.

Sa ngayon mayroon nang kabuuang 2,093 Alpha variant cases sa bansa, o B.1.1.7 variant na unang natukoy sa United Kingdom, kabilang ang 18 aktibong kaso, 1,951 ang nakarekober na, at 122 ang binawian ng buhay.

Anang DOH, sa bagong 94 Beta variant cases, 89 ang local cases, tatlo ang ROFs, at dalawang kaso ang biniberipika pa kung local o ROF cases.

Base sa case line list, pito sa mga ito ang namatay habang 87 kaso ang nakarekober na.

Sa kasalukuyan, mayroon na umanong 2,362 total Beta variant cases sa bansa, o B.1.351 variant na unang natukoy sa South Africa, kabilang ang 18 pa na aktibong kaso, 2,258 ang nakarekober, at 82 ang namatay.

Samantala, ang karagdagan namang 11 kaso ng P.3 variant ay pawang local cases at gumaling na mula sa karamdaman.

Sa kabuuan, ang bansa ay mayroon nang 287 total P.3 variant cases na unang natukoy sa Pilipinas, at kabilang dito ang isang aktibong kaso, 283 nakarekober na, at tatlong binawian ng buhay.

Kaugnay naman nang pagdami pa ng mas maraming kaso ng variants of concern sa bansa ay patuloy na umaapela ang DOH sa mga mamamayan na huwag magpabaya at patuloy na maging maingat at sumunod sa health protocols upang hindi mahawaan ng COVID-19.

“As we begin to detect more COVID-19 cases with variants of concern, the public is reminded not to be complacent and strictly adhere to the minimum public standards such as proper wearing of face mask and face shield, washing of hands for at least 20 seconds, observing physical distancing, and ensuring proper ventilation whenever indoors,” anang DOH.

“Even with ECQ, theCOVID-19 vaccination program will continue. We remind everyone to get vaccinated when it's their turn to prevent severe COVID-19 and deaths,” apela pa nito.

Mary Ann Santiago