Umaabot sa 10,623 ang bagong kaso ng COVID-19 na naitala ng Department of Health (DOH) sa bansa hanggang alas-4:00 ng hapon lamang nitong Biyernes, Agosto 6, 2021, habang nasa 247 naman ang naitala nilang binawian ng buhay dahil sa sakit.
Batay sa case bulletin no. 510 na inilabas ng DOH, nabatid na dahil sa naturang karagdagang bagong mga kaso, umaabot na ngayon sa 1,638,345 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas.
Sa naturang bilang, 4.5% o 74,297 pa ang aktibong kaso o nagpapagaling pa sa karamdaman, kabilang dito ang 94.8% na mild cases, 1.8% na severe, 1.2% na asymptomatic, 1.18% na moderate at 1.0% na kritikal.
Mayroon rin namang 3,127 na naitalang bagong gumaling sa karamdaman, kaya’t umaabot na ngayon sa 1,535,375 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 93.7% ng total cases.
Samantala, umabot naman sa 247 pasyente ang sinawimpalad na bawian ng buhay dahil sa kumplikasyong dulot ng COVID-19.
Dahil dito, umakyat na sa 28,673 ang total COVID-19 deaths sa bansa o 1.75% ng total cases.
Ayon sa pinakahuling ulat ng DOH, isang laboratoryo ang hindi operational noong Agosto 4, 2021 habang mayroong limang laboratoryo ang hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).
“Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 6 labs na ito ay humigit-kumulang 1.7% sa lahat ng samples na naitest at 1.3% sa lahat ng positibong mga indibidwal,” anang DOH.
Samantala, mayroon rin namang 94 duplicates ang inalis ng DOH mula sa total case count.Sa naturang bilang, 87 ang recoveries at isa ang patay.Mayroon ring siyam na kaso na unang tinukoy bilang recoveries ngunit nang i-validate ay aktibong kaso pa pala.
Mayroon rin namang 150 kaso na unang na-tagged bilang recoveries ngunit malaunan ay natukoy na namatay na pala sa pinal na balidasyon.
Ayon sa DOH, sa ngayon ay nakikita na ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 at ito ay dulot anila ng kumbinasyon ng iba't ibang factors, kabilang ang hindi pagsunod sa minimum public health standards, hindi pagpapatupad ng prevent-detect-isolate/quarantine-reintegrate strategies, lubos na paggalaw ng mga tao, at presensiya ng iba't ibang variants of concern, lalo na ang Delta Variant.
Patuloy rin namang nananawagan at nagpapaalala ang DOH sa publiko na mag-ingat at palaging sumunod sa mga safety protocols at agad na magpabakuna laban sa COVID-19 kung pagkakataon na.
Mary Ann Santiago