Sinimulan na rin ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Biyernes, Agosto 6, angsuspensyonsa bentahan ng lotto tickets at iba pang digit games sa Metro Manila.
Ito’y kasabay nang pag-iral ng dalawang linggong enhanced community quarantine (ECQ) sa rehiyon na magtatagal hanggang sa Agosto 20.
“In compliance with the IATF Resolution No. 130-A, Series of 2021 placing the entire Metro Manila under Enhanced Community Quarantine (ECQ) from August 6 to 20, 2021, selling of tickets of all PCSO games in the said areas is hereby SUSPENDED,” anang PCSO sa isang anunsiyo.
Gayunman, nilinaw ng PCSO na tuloy pa rin ang bentahan ng tickets sa iba pang rehiyon na hindi nakasailalim sa ECQ.
Ipagpapatuloy rin umano nila ang lotto at digit game draws na isinasagawa naman sa PCSO Main Office sa Mandaluyong City matapos na aprubahan ito ng IATF.
"However, the conduct and airing of lottery draws for nationwide Lotto and Digit games at the PCSO Main Office have been approved for continued operation by the IATF pursuant to the Omnibus Guidelines on Community Quarantine Classification in the Philippines," dagdag pa ng PCSO.
Hinikayat pa nito ang mga mamamayan na manatili na lamang sa kanilang mga tahanan at maging maingat upang hindi mahawaan ng COVID-19.
Ang ECQ ay nagsimula nang ipairal ng pamahalaan sa Metro Manila nitong Biyernes bilang bahagi nang pagsusumikap na mapigilan ang pagkalat pa ng COVID-19, partikular na ang Delta variant nito.
Mary Ann Santiago