Walong lugar sa Metro Manila at 29 pang lugar sa iba’t ibang rehiyon sa bansa ang nakasailalim na sa Alert Level 4 dahil sa mataas na bilang ng COVID-19 cases at hospital occupancy rate.
Ito ang iniulat ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire nitong Biyernes, kasabay ng implementasyon ng unang araw ng pinakamahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila.
Ayon kay Vergeire, ang mga lugar sa Metro Manila na nasa ilalim ng Alert Level 4 ay ang Las Piñas, Muntinlupa, Pateros, Quezon City, Taguig, Malabon, Makati, at San Juan.
Nasa Alert Level 4 din ang Apayao, Baguio City, at Benguet sa Cordillera Autonomous Region (CAR);Ilocos Norte sa Region 1; Cagayan, Nueva Vizcaya, at Quirino sa Region 2; Angeles City, Bataan, Olongapo City, Pampanga, at Tarlac sa Region 3;Batangas, Cavite, Laguna, Quezon, at Lucena City sa Region 4A;Iloilo at Iloilo City sa Region 6;Cebu, Cebu City, Lapu-Lapu City, at Mandaue City sa Region 7;Tacloban City sa Region 8; Bukidnon, Cagayan de Oro City, at Camiguin sa Region 10; Davao City sa Region 11 at General Santos City sa Region 12.
Ipinaliwanag ni Vergeire na ang Alert Level 4 ay nangangahulugan na ang isang lugar ay klasipikado bilang moderate-risk to critical-risk area at ang healthcare utilization rate nito ay nasa 70% pataas.
Makikita rin sa datos ng DOH na halos lahat ng lugar sa NCR ay nakapagtala na ng Delta variant ng COVID-19.
Ang ECQ sa Metro Manila ay ipaiiral ng pamahalaan hanggang sa Agosto 20 upang mapigilanang higit pang pagkalat ng COVID-19, partikular na ang Delta variant nito.
Mary Ann Santiago