CABANATUAN CITY - Isa pa sa limang pulis-Nueva Ecija na umano'y sangkot sa pagdukot at pagpatay sa isang babae na online seller ang sumuko sa mga awtoridad sa nasabing lungsod, nitong Huwebes ng hapon.
Si Police Senior Master Sergeant Rowen Martin, 41, nakatalaga sa Cabanatuan Police Station at taga-San Leonardo, Nueva Ecija, ay sinamahan ng kanyang abogadong si Shiela Gatchalian sa pagsuko kay City Police chief, Lt. Col. Julius Ceasar Manucdoc.
Isinuko rin ni Martin ang kanyang service firearm na Glock 17.
Kabilang si Martin sa limang pulis at dalawang sibilyan na sangkot umano sa pagpatay Nadia Casar, 35, online seller, na sinunog pa bago ibaon sa Sitio Pinagpala, Imelda Valley, Palayan City ng lalawigan, nitong Agosto 1 2021.
Nakilala ang apat pang pulis na sina Police Staff Sgt. Benedict Matias Reyes, nakatalaga sa Sta. Rosa Municipal Police Station; Police Staff Sgt. June Malillin ng Palayan City Police Station; Police Cpl. Julius Alcantara ng Nueva Ecija Provincial Police Office-Drug Enforcement Unit (NEPPO-DEU); at Police Staff Sgt. Drextemir Esmundo, na nakatakaga sa Cabiao Municipal Police Station, magkakasunod na inaresto ng pulisya sa magkakahiwalay na lugar sa Nueva Ecija, kamakailan.
Maliban sa 5 pulis, sangkot din umano sa kaso ang dalawang sibilyan na sina Franklin Macapagal at Dario Robarios batay na rin sa testimonya ng mga testigo.
Nahaharap na ang mga suspek sa kasong kidnapping, serious illegal detention at murder.
Light Nolasco