Tuluyan nang nilampaso ng Pilipinas ang mga karatig-bansa sa Southeast Asia pagdating sa dami ng mga nahakot na medalya, sa nagaganap na Tokyo Olympics 2020.
Sa kasalukuyan, may gold, silver, at bronze medal na ang Pilipinas, na ngayon lamang nangyari sa buong panahon ng pagsali ng bansa sa Olympics; at sinasabing ang batch ng mga delegado ngayon ang pinakamalakas.
Bukod sa pangmalakasang mga delegado, naging makasaysayan din ang Olympics na ito dahil nasungkit ni weightlifter Hidilyn Diaz ang kauna-unahang Olympic gold medal, habang si Nesthy Petecio naman ang kauna-unahang Filipino boxer na nakapag-uwi ng silver medal.
Bronze medal naman ang bitbit ni middleweight boxer Eumir Marcial, at nito lamang Agosto 8, nasungkit ni Carlo Paalam ang silver medal para sa men's flyweight finals.
Kung susumahin, namamayagpag na nga ang Pilipinas kumpara sa iba pang mga bansa sa Southeast Asia. Ang Indonesia ay may isang gold medal na sa badminton women's doubles, isang silver at dalawang bronze medal sa weightlifting, at isa pang bronze para sa badminton men’s singles.
Sumunod naman dito ang Thailand na may isang gold medal para sa women’s lightweight boxing division at isang bronze para sa women’s taekwondo. May isang bronze medal naman ang Malaysia para sa men’s badminton doubles. Samantala, kulelat naman ang iba pang mga bansa, gaya ng Singapore, Cambodia, Vietnam, Brunei, Laos, Myanmar, at Timor-Leste.
Ipinangako naman ni Nesthy na muli siyang magsasanay at maghahanda para sa susunod na Olympics, na gaganapin sa Paris, France sa 2024. Ipinangako niya na hindi siya titigil hangga't hindi naiuuwi ang gold medal sa bansa.
Gayundin naman ang 'taga sa bato' ni Hidilyn Diaz, mas gagalingan pa raw niya, upang mas makapag-uwi pa ng gold medal sa Pilipinas, sa mga susunod pang Olympics.