Nananawagan si Manila Mayor Isko Moreno sa mga taong nais magpabakuna sa lungsod laban sa COVID-19 na maging disiplinado at kalmado.
Ito’y kasunod na rin nang pagdagsa sa lungsod ng mga tao, na mula pa sa iba’t ibang lugar sa labas ng Maynila at dumating ng grupu-grupo sa mga vaccination centers upang makapagpaturok ng bakuna.
Sinugod umano ng mga ito ang vaccination centers, binalewala ang cut-off at mga barriers kaya’t nagresulta sa pagkukumpulan ng mga tao at desisyong isara muna ang vaccination center sa isang shopping mall sa lungsod.
Sa ulat kay Moreno ni Vice Mayor Honey Lacuna, na siyang nangangasiwa sa mass vaccination program ng lungsod, lumilitaw na mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-2:00 ng madaling araw ay maayos pa ang sitwasyon sa mga vaccination sites hanggang sa dumating ang grupo ng mga tao na sakay ng mga van at malalaking jeep.
Magugulo at nag-uunahan umano ang mga ito sa pagpila sa mga vaccination centers kahit pa sinabihan na sila na hindi sila maaaring magpabakuna dahil cut off na at hindi pa sila rehistrado sa Manila COVID-19 vaccine website kaya’t wala silang QR Code na siyang requirement upang makapagpabakuna.
Pinagtatanggal rin umano ng mga ito ang mga barikada na nakalagay sa mga vaccination centers at nagpupumilit na payagan silang pumila kahit hindi sila rehistrado.
Ayon kay Lacuna, ang mga naturang indibidwal ay nagsabing galing pa sila ng Laguna at Cavite at ibang lugar sa labas ng Maynila.
Sinabi rin umano ng mga ito sa mga marshals na nagbabantay sa mga vaccination centers na sumugod sila doon matapos na makatanggap ng ulat na ang mga taong hindi bakunado ay aarestuhin kung lalabas sila ng kanilang bahay, sa panahon ng enhanced community quarantine (ECQ) na sisimulan nang ipatupad ngayong Biyernes, Agosto 6.
Sa inilabas namang crowd estimate ng Manila Health Department (MHD), na pinamumunuan ni Dr. Poks Pangan nabatid na ang SM San Lazaro ay dinagsa ng 7,000 hanggang mahigit 10,000 katao, kaya’t napilitan itong humingi ng pahintulot sa Manila City government na magkansela ng bakunahan, na pinagbigyan naman ng lokal na pamahalaan.
Samantala, natuloy rin naman ang bakunahan sa SM Manila na dinumog ng mahigit 5,000 indibidwal; gayundin sa Lucky Chinatown na pinuntahan ng mahigit 3,000 katao; at sa Robinson's Manila, na dinagsa ng mahigit 4,000 katao.
Matatandaang kada araw, tuwing may available na bakuna ay naglalaan lamang ang Manila City government ng tig-2,500 doses ng bakuna sa mga naturang shopping mall vaccination sites.
Sinabi naman ni Lacuna na sa mga nakalipas na araw, ang mga taong nagtutungo sa vaccination sites ay umaabot lamang ng mula 1,000 hanggang 2,000 indibidwal at batid aniya ng mga ito ang mga polisiyang ipinaiiral ng lungsod upang payagan silang makapagpabakuna, gaya ng pre-registration at paghahanda ng kanilang QR codes.
Alam din aniya ng mga residente na may cut-off lamang sa vaccination sites at sa sandaling pinagsabihan ang mga ito na cut-off na ay umuuwi na lamang ang mga ito at bumabalik sa susunod na araw o di kaya ay lumilipat ng ibang vaccination site sa lungsod kung saan sila maaaring ma-accommodate.
“Open policy kami sa Manila, nagulat lang kami na biglang dumagsa ang mga tao ngayong araw. As much as possible gusto namin yakapin ang lahat para mabakunahan, taga-Maynila man o hindi,” ayon pa kay Lacuna.
Aniya, inabisuhan naman ng mga pulis at barangay volunteers ang mga nakapila na cut-off na ngunit marami sa mga ito ang hindi pa rin nag-alisan at binalewala ang paabiso sa kanila ng mga awtoridad.
“Ang mga pulis at volunteers laging nag-aabiso sa mga tao tungkol sa cut off, nagkataon lang na sobrang dami ng tao ang dumagsa kanina at nagbabakasakali. Hindi na mapakiusapan ang mga tao,” aniya pa.
Mary Ann Santiago