Sabi nga, hindi hadlang ang kahirapan upang maabot ang minimithing pangarap. Gagawin ng isang taong pursigido ang lahat upang unti-unting maihakbang ang kaniyang mga paa patungo sa daan ng kaniyang mga ambisyon, para sa kaniyang sarili, at para sa kaniyang pamilya.
Kumakatok ngayon sa puso ng mga netizen ang honor student at incoming college na si Eugene Dela Cruz, tubong Leyte, para sa mga nagnanais na matulungan siya upang makapagpatuloy sa kolehiyo. Naglunsad siya ng sariling fundraising drive na pinangalanan niyang "Piso Para sa Laptop, Piso Para sa Pangarap." Ibinahagi niya ito sa Facebook post nitong Agosto 5, 2021.
Produkto ng broken family, hindi naging hadlang ito upang galingan ni Eugene sa kaniyang pag-aaral, kahit na naging hamon pa ang bagong modality ng pagtuturo at pagkatuto dahil sa pandemya. Sa katunayan, hindi nagmimintis ang pagkakaroon niya ng academic awards; dahil dito aniya, nakatanggap siya ng scholarships sa mga prestihiyosong unibersidad gaya ng UP, Ateneo at De La Salle.
"Dulot ng pandemya, nagsara ang mga paaralan na siya ring nag-udyok sa kanila na mag-isip ng makabagong pamamaraan ng pagtuturo. Sa nagdaang taon ng pag-aaral (at huling taon sa hayskul), ang aming paarala’y gumamit ng modular distance learning scheme. Sa awa ng Diyos, ako’y nakapagtapos ng “May Pinakamataas na Karangalan” na siya ring kauna-unahang ibinigay sa isang mag-aaral mula ng maipatayo ang Senior High School ng Hilongos National Vocational School," aniya.
"Sa tulong ng aking mga marka, ako ay nabiyayaan ng full scholarship sa De La Salle University (BS Applied Economics [Ladderized] at Ateneo De Manila University (AB Economics [Honors]). Ako rin ay nakapasa sa University of the Philippines (Los Baños) sa parehong kurso (BS Economics)."
Ngunit sa kabila aniya ng kaniyang kagalakan sa mga biyayang inihatid ng Panginoon sa kaniya, siya ay lubos na nangangamba. Bukod sa alam niya umanong ang mga unibersidad na ito’y gagamit ng online learning scheme kung saan mangangailangan umano siya ng internet connection at laptop, kinakailangan umano niyang magkaroon ng maintaining grade na alam niyangg mahirap tuparin lalo na’t kung wala naman aniyang mga kagamitang naaayon para sa learning scheme na ito.
"Sa katotohanan, ako’y nagsimulang mag-ipon simula noong Setyembre sa pamamagitan ng pagbabawas sa aking pagkain upang makapagtipid at makabawas sa aking gagastusin para sa aking sarili upang ako’y may maitabi na pera sapagkat alam kong hindi magiging madali ang aking pag-aaral kung wala akong laptop ngunit dulot sa scam na nangyari noong Mayo (20,000+), alam kong imposible na ngayon na makapag-ipon pa akong muli para makabili ako ng laptop na aking magagamit sa nalalapit na pasukan at orientation seminar sa susunod na mga linggo," paliwanag niya.
Nahihiya man umano sa kaniyang gagawin, lakas-loob na siyang bumuo ng sariling donation drive.
"Kung kaya’t ako’y kumakatok sa inyong mga puso para sa anumang halaga na siyang makakatulong upang makalikom ako ng sapat na salapi upang makabili ng laptop para sa aking pag-aaral. Kayo’y makaasa na ang inyong tulong ay hindi ko aaksayahin at aking gagamitin sa abot ng makakaya upang makatulong sa iba. Pasensya sa abalang aking naidulot at maraming salamat sa inyong oras," pakiusap ni Eugene.
Inilakip ni Eugene sa kaniyang viral Facebook post ang mga kuhang larawan ng kaniyang graduation at mga report cards, na umuulan ng line of 9. Puro line of 9 din ang weighted general average nito.
Isinama rin niya ang kaniyang GCash number para sa mga nagnanais magpaabot ng tulong.