NUEVA ECIJA- Simula Agosto 6 hanggang Agosto 20, todo-higpit na ang isasagawang pagbabantay ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement units sa mga boundary upang hindi na lumaganap ang Delta coronavirus disease 2019 (COVID-19) variant sa naturang lalawigan.
Binanggit ni Nueva Ecija Police Provincial (NEPP) Director, Col. Jaime Santos, kabilang sa nilagyan ng checkpoint ang mga boundary ng Gapan-Bulacan, Cabiao-Pampanga, Sta. Rosa-Tarlac, Licab-Victoria, Guimba-Pura, Cuyapo-Rosales, Carranglan-Sta. Fe, Pantabangan-Castaneda, Bongabon-San Luis, Gabaldon-Dingalan, at Aliaga-Tarlac alinsunod na rin sa resolusyon ng NE-Inter-Agency Task Force (IATF) na pinamumunuan ni Governor Aurelio Umali.
Kamakailan, ipinahayag ni Provincial Health officer Dra. Josefina Garcia na kabilang sa dalawang nahawaan ng Delta variant ang isang residente ng Talavera na nagtatrabaho bilang construction worker sa Bataan. Taga-San Leonardo naman ang ikalawang tinamaan ng variant na kauuwi lang sa bansa nitong Hulyo 14 at natuklasang positibo ito sa sakit nito lamang Hulyo 26.
Iginiit din ni Garcia na hindi ini-report sa provincial inter-agency task force ang pagdating ng mga naapektuhan ng Delta variant.
Light Nolasco