Nahaharap sa malaking kontrobersiya ngayon ang sikat na content creator na si Nuseir Yassin o mas kilala bilang si “Nas Daily” matapos tawaging ‘scam’ ng apo ni Whang-Od, ang pinakamatandang mambabatok sa bansa, ang masterclass nitong Whang-Od Academy.

Ayon sa burado nang public post ni Gracia Palicas, bagamat kinikilala nila ang magandang hangarin ni Nas Daily na ibahagi ang kanilang kultura sa mga susunod na henerasyon, suliranin din nila ang ilang may interes pagsamantalahan ang mayamang kultura at sining.

Dagdag ni Palicas, nag-abot umano si Nas Daily sa ilan nilang katribu ng halagang pera, at nangakong magbabahagi sa kikitain ng Whang-od Academy. Pagbubunyag ni Palicas, wala umanong alam ang mambabatok na si Whang-Od sa anumang kontrata ukol sa academy.

Paratang ni Palicas sa kanyang public post, 'scam' ang Whang-od Academy. Binalaan ng apo ng mababatok ang publiko sa hindi malinaw na ugnayan ni Whang-Od sa kampo ni Nas Daily.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Please help us stop this disrespect to the legacy of Apo Whang-Od and the Butbot Tribe,” pag-apela ni Palicas sa Facebook.

Nitong Hunyo 26, unang inanunsyo ni Nas Daily ang pakikipag-ugnayan niya sa ilan sa malalaking Filipino content creators para ilunsad ang Nas Academy sa bansa.

Kahanay ni Whang-Od ang naglalakihang personalidad kabilang si Miss Universe 2018 Catriona Gray, Filipino broadcast veteran na si Jessica Soho, at ang Dubai-based Filipino designer na si Michael Cinco.

Matapos kumalat ang paratang ni Palicas, agad namang tinanggal ang masterclass sa Nas Academy portal.