Nais tularan ng Pinoy boxer na si Nesthy Petecio ang istorya ng pagwawagi ni weightlifter Hidilyn Diaz na hindi tumitigil hangga't hindi nasusungkit ang gintong medalya.
Bagamat natalo sa finals ng women's featherweight division ng Tokyo Olympics boxing competition sa nakalaban na si Sena Irie ng host Japan, gumawa ng kanyang tala sa kasaysayan ng Philippine sports si Petecio bilang unang Filipina Olympic boxing medalist sa napanalunan nitong silver medal
Bagamat tanggap nito ang naging kabiguan, aminado ang 29-anyos na nasira ang kanyang diskarte dahil sa matagal at malimit na pagyakap at paghawak sa kanya ni Irie.
“Malaking epekto po talaga sa akin ‘yung niyayakap niya ako kasi 'di ako makaalis at makabalik kaagad,” ani Petecio.
“Mas nakakapagod po ‘yung yayakapin ka, sa totoo lang, kaysa makipagsuntukan. ‘Yun po ‘yung totoo. Mas nakakawala po ng lakas ‘yun,” dagdag pa nito na nadismaya din sa di pagpansin ng referee sa ginagawa ng Haponesa.
Gayunpaman, buong puso niyang tinanggap ang naging hatol ng mga hurado nang ibigay kalaban nya ang ginto.
“Siyempre po proud at saludo [pa rin] kay Sena. Gustung-gusto niya rin pong manalo. Parehas naman po kami. Tinanggap ko po nang buo, kung ano po ‘yung ibigay sa akin ni Lord," aniya.
At ito rin ang hiling niya sa kanyang mga supporters na patuloy na kinukuwestiyon ang kanyang naging kabiguan.
“Para sa akin po, kung ano po ‘yung naging desisyon, tinanggap ko po. 'Di na po natin mababago, at masasaktan lang po tayo nang masasaktan kung ‘yun lagi po ‘yung iniisip natin. 'Di po tayo makaka-move on sa next po nating mapupuntahan,” ayon pa kay Petecio.
Gayunman, hindi doon nagtatapos ang laban para kay Petecio dahil balak nitong bumalik sa susunod na 2024 Paris Olympics, dahil 32-anyos pa lamang siya pagdating ng nasabing taon, katulad ni Hidilyn, babawi siya upang makamit ang ginto.
"Babawi po tayo! Babalik po tayo na mas malakás pa po!," sabi pa ni Petecio.
Marivic Awitan