Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na siyam na lungsod na ngayon sa National Capital Region (NCR) ang nakapagtala na ng kaso ng Delta variant ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

“Nine out of the 17 cities in NCR are with Delta variant as of August 1,” pahayag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang pulong balitaan.

Kabilang aniya sa mga naturang lungsod ang Malabon na may apat na kaso na ng Delta variant; Makati na may tatlong kaso; San Juan na may dalawang kaso; Las Piñas na may 14 na kaso; Valenzuela na may isang kaso; Pasig na may anim na kaso; Mandaluyong na may dalawang kaso; Maynila na may 12 kaso; at Caloocan na may apat na kaso.

Sa datos ng DOH, aabot na sa 216 ang kumpirmadong kaso ng Delta variant sa bansa sa kasalukuyan.

Internasyonal

Dating posisyon ni Pope Leo XIV, ipinasa kay Cardinal Tagle

Nilinaw din ni Vergeire na ang NCR ay nakapagtala na rin ng average na 1,535 bagong kaso ng COVID-19 kada araw, mula Hulyo 27 hanggang Agosto 2.

Ito ay 65% umanong mas mataas kumpara sa naitalang mga kaso noong nakaraang linggo.

Sa ngayon, ang Pateros at Malabon ay ibinilang na bilang critical-risk areas dahil sa kanilang mataas na two-week case growth rate at average daily attack rate (ADAR) habang ang iba pa namang lungsod sa Metro Manila ay nasa high-risk naman dahil sa mataas na ADAR, maliban sa Marikina at Caloocan.

Nakapagtala naman ang Las Piñas ng pinakamataas na intensive care unit (ICU) utilization rate sa 86%, kasunod ang Muntinlupa na nasa 72% at Quezon City na nasa 71%.

Ang ICU occupancy rate naman sa lahat ng lungsod ay nasa moderate-risk to low-risk zone.

Sa rekord naman ng National Vaccination Operations Center, lumilitaw na hanggang Agosto 1, nasa 48.55% o 4.7 milyon na sa mahigit 9.6 milyong adults sa Metro Manila ang nakatanggap ng hanggang isang dose ng COVID-19 vaccine.

Nakatanggap naman ng dalawang dose o fully-vaccinated na ang kabuuang 3,471,666 indibidwal sa rehiyon.

Mary Ann Santiago