Kumusta na nga ba ang 8 Pinoy Olympians na nauna kay Hidilyn?

Matapos ang pagkakasungkit ni Hidilyn Diaz sa gintong medalya para sa kaniyang weightlifting competition sa Tokyo Olympics 2020, napukaw ang atensyon ng mga tao sa tunay na halaga ng sports, na minsan ay nababalewala o pinagkikibit lamang ng balikat.

Kumusta na nga ba ang walong Pinoy Olympians na nakasungkit ng silver o bronze medal sa mga nagdaang Olympics? Ano na nga bang nangyari sa kanila?

Nagsimula ang paglahok ng Pilipinas sa Olympic games noong 1924 Summer Olympics na ginanap sa Paris, France. Ang kaisa-isang Pilipino na naging kalahok dito ay si David Nepomuceno. Ngunit ang unang panalo ay natamo ni Teofilo Yldefonso para sa Men's 200-meter breaststroke swimming competition kung saan nakakuha siya ng bronze medal nang dalawang beses.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Matapos ang pagiging bayani sa larangan ng swimming, naging aktuwal na bayani naman siya sa pakikipagdigma sa panahon ng World War II. Napabilang siya sa 57th Infantry Regiment of the Philippine Scouts laban sa mga Japanese. Isa rin siya sa mga naka-survive sa makasaysayang Death March. Namatay siya sa gulang na 38. Kinilala pa siya bilang pioneer sa International Swimming Hall of Fame.

Sumunod naman sa kaniya si Simeon Toribio Simeon ay nakilala bilang Filipino high jumper. Lumaban siya sa Olympics noong 1928, 1932, at 1936 subalit nanalo siya ng bronze medal noong 1932. Nakamit din niya ang titulo bilang “Asia’s Greatest Athlete.” Matapos ang kaniyang karera sa palakasan, naging abogado siya at Congressional representative para sa lalawigan ng Bohol ng Parliament of the Philippines simula 1941-1953.

Si Jose Villanueva naman ay nagwagi ng bronze medal para sa bantamweight division na ginanap sa Los Angeles, California. Naging boxing trainer siya, at isa sa mga naging trainee niya si Gabriel "Flash" Elorde. Ikinamatay niya ang atake sa puso noong 1983.

Bronze Medal din ang napagwagihan ni Miguel White para sa Men's 400-meter hurdles. Matapos ang 1936 Olympics, sinasabing naging kaanib siya ng Philippine Army bilang lieutenant sa 52nd Infantry Regiment. Noong Agosto 1942, inakusahan siyang tumakas sa laban o missing in action, at hindi naglaon, sinabing napatay siya sa labanan.

Larawan mula sa Manila Bulletin

Naipasa naman ni Jose Villanueva ang angking-husay sa boxing sa kaniyang anak na si Anthony Villanueva, na nagwagi naman ng silver medal para sa featherweight division. Si Villanueva ay naging aktor at boxing coach dito sa Pilipinas, at naging sekyu naman sa Amerika. Sumakabilang-buhay siya dahil sa sunod-sunod na naranasang stroke.

Si Leopoldo Serantes naman ay nakakuha rin ng bronze medal para naman sa Men's boxing light flyweight division noong 1988, na ginanap sa South Korea. Sa ngayon ay nakikipagbuno naman si Serantes sa kaniyang pulmonary at heart ailments, sa Philippine Veterans Hospital. Kaya naman, nananawagan ng panalangin at tulong ang Philippine Sports Commission (PSC) para kay Serantes.

Bronze medalist din para sa Men's boxing light flyweight division si Roel Velasco, noong 1992 sa Barcelona, Spain. Ngayon, siya ay isa sa coaches ng Amateur Boxing Association of the Philippines.

Ang pinakasikat sa kanila ay si Mansueto "Onyok" Velasco, Jr., na matapos masungkit ang kaniyang silver medal sa light flyweight division noong 1996 sa Amerika, pinasok na rin ang mundo ng showbiz. Naging komedyante siya at naisama sa cast ng ilang mga comedy shows at sitcoms.

Larawan mula sa Manila Bulletin

Sa patuloy na paglaban ng mga atletang Pilipino sa Olympics, inaasam nating mas dadami pa ang mga Pinoy Olympians na mag-iiwan ng tatak at inspirasyon sa larangan ng sports!