Viral ngayon ang Tiktok video ni Hannah June Dimacali matapos niyang ipanawagan sa popular na video-sharing site ang nawawalang bunsong kapatid na si Ruben “Dondon” Dimacali.

Sa panimula ng kaniyang video, emosyonal na umapela si Hannah June sa kanyang manunuod na mabigyang pansin at matulungan sila na muling makapiling ang kapatid na halos tatlong buwan nang hindi nakauuwi sa kanila.

Screenshot mula sa viral Tiktok video/panawagan ni Hannah June nitong Linggo, Agosto 1

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Dahil sa bayanihan ng ilang malalaking content creators na nagtulong-tulong ma-boost ang Tiktok video ay matagumpay itong umani ng atensyon. Kasalukuyang mayroong mahigit 375,200 likes, 75,100 shares at 2.7 million views, ang naturang panawagan.

Paglalahad ni Hannah June, nababahala na raw sila sa maaaring sitwasyon ngayon ng kanyang kapatid lalo pa’t may karamdaman ito sa pag-iisip at “kailangan ng agarang gamutan.”

Sa halos tatlong buwan na paghahanap, nagawa na raw nila mula police report, pagsuyod sa iba’t ibang bahagi ng Tarlac at maging ang paglapit sa malalaking television network ngunit “no hope” kung ilarawan ni Hannah June ang chance na muling makita ang kapatid.

Sa panayam ng Balita kay Hannah June, isinalaysay nito ang dating buhay ni Dondon sa piling ng kanyang pamilya sa Palawan.

Larawan ni Dondon mula sa Facebook account ng kanyang ina na si Elma Dimacali

Dati na raw talagang umaalis ng bahay si Dondon ngunit sinusundo rin agad ng ilang miyembro ng pamilya kaya’t nakababalik din agad.

Ayon kay Hannah June, dumating din sa punto na kailangang 'ikadena' si Dondon sa pagnanais ng pamilyang hindi ito mapabayaan ang pag-inom ng gamot, ayon lang daw ang tanging paraan para mapigilan ang pagiging mga panahong nagiging bayolente ito. Sa kasamaang palad, hindi rin naging matagumpay ang gamutan ni Dondon.

Kalauna’y napagdesisyunan ng pamilya na dalhin na si Dondon sa isang mental health facility sa Palawan subalit naging problema naman nila Hannah ang pagpapalayas sa kanila sa inuupahang bahay noon, dahilan para maging bigo pa rin si Dondon na mapasailalim sa mental rehabilitation.

Larawan ni 'Dondon' mula sa Facebook ng kanyang ina na si Elma Dimacali

Mahirap na pasya man ay pansamantalang ipinaubaya nila Hannah June ang kapatid sa ama nilang nasa San Miguel, Tarlac. Dahil hiwalay ang mga magulang ni Dondon ay siniguro ng ina niya ang gamot na iinumin sa kalinga ng ama nito. Sa kasamaang palad, nitong Mayo ay doon na huling umuwi si Dondon.

Ayon na rin sa mga kapitbahay ng ama nila Hannah June, ‘di umano’y minamaltrato ng sariling ama si Dondon kung kaya’t natakot at hindi na ito bumalik.

Samantala, sa Facebook account ni Elma Dimacali, ina ni Dondon, mapapansin ang halos araw-araw nang pagsuyod nito sa Tarlac at kalapit na mga bayan para lang mahanap si Dondon.

Sa pinakahuling Facebook update ni Nanay Elma, inilarawan ng ina ang ilang special features ni Dondon o kung tawagin niya’y “Kuya Bait” na maaaring magkumpirma sa sinumang makakakita rito.

Larawan ni 'Dondon' mula sa Facebook ng kanyang ina na si Elma Dimacali

“Siya po ay may nunal sa kanan sa panga or ilalim ng kanyang kanan na pisngi. May buhok po ‘yong nunal niya,” paglalarawan ni Elma sa anak.

Sa sinumang makapagbibigay ng lead sa kinaroroonan ni Dondon, maaaring tumawag agad sa 09385257927 at 09366351898. Maaari ring magpadala ng mensahe sa mga Facebook account ni Elma Dimacali at Hannah June Dimacali.