Tila ibinuking ng batikang Kapamilya news anchor na si Karen Davila na nasa bakuran na nga ng GMA Network si John Lloyd Cruz. Noong Hulyo 28, 2021, nagkaroon ng panayam si John Lloyd sa YouTube channel ni Karen, at marami pa siyang rebelasyon doon, gaya na lamang ng dahilan aniya kung bakit siya pansamantalang umalis sa showbiz limelight at nagpahinga.

Sa Instagram post ni Karen, hayagan niyang sinagot ang nagtanong na netizen, kung Kapamilya pa ba o Kapuso na si JLC. Nalilito na kasi ang kaniyang fans.

Sagot ni Karen, “JLC is now with GMA-7."

Tsika at Intriga

It's Showtime hanggang December 2024 na lang daw sa GMA, papalitan ng TiktoClock?'

Screenshot mula sa Instagram account ni Karen Davila

Matatandaang naganap ang unang live television appearance ni Loydie, sa kaniyang pagbabalik-showbiz, sa Kapuso Network noong Hunyo sa live event ng online shopping app kung saan ang host ay si Willie Revillame. Binanggit mismo ng TV host na may sitcom umano sila ni Loydie, kasama si Andrea Torres. Hanggang ngayon, wala pa ring opisyal na anunsyo o teaser hinggil sa sitcom na ito.

Lalong umugong ang ingay na ganap nang lilipat sa Kapuso Network ang premyadong aktor, matapos lumabas ang mga larawan niya sa social media habang nakikipagpulong sa GMA executive na si Annette Gozon-Abrogar, president at programming consultant ng GMA Pictures.

Ngunit nitong Hulyo 19, 2021, lumutang naman sa social media ang umano'y pakikipagkita ni John Lloyd kay ABS-CBN President Carlo Katigbak kasama ang head ng talent agency niya ngayon na Crown Artist Management.

Larawan mula sa Manila Bulletin

Nagsimula ang showbiz career at pagsikat ni John Lloyd noong 1997 bilang homegrown talent at isa sa mga bigating stars ng ABS-CBN Kapamilya Network. Nauna nang pumirma ng exclusive contract sa Kapuso ang kaniyang katambal na si Bea Alonzo noong Hulyo 1.

Kaya ang matinding tanong ngayon, ano ba talaga Kuya John Lloyd, Kapamilya o Kapuso?