Naniniwala ang mga opisyal ng Department of Health (DOH) na ang mas nakahahawang Delta variant ang posibleng dahilan nang patuloy na pagtaas ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa nitong mga nakalipas na araw.
“Looking at our cases right now, it’s exponentially rising, so sa tingin po namin talaga Delta variant is driving the rise in the number of cases,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa panayam sa telebisyon.
Bukod dito, sinabi ni Vergeire na maaaring nakakadagdag rin dito ang iba pang variants of concern gaya ng Alpha at Beta.
Sa kabila naman nito, nilinaw ni Vergeire na hindi pa rin makumpirma ng DOH kung nagkakaroon na nga ng community transmission ng Delta variant sa bansa.
“Our whole genome sequencing cannot provide us that evidence yet that’s why we cannot officially pronounce, although as I’ve said, we now treat this as community transmission and we are acting towards that direction,” paliwanag ni Vergeire.
Inamin rin niya na ‘inevitable’ o hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng community transmission ng naturang variant of concern.“I think so. That is our assumption because of the high transmissibility of this Delta variant,” aniya pa.
Una naman nang sinabi ni Vergeire namakatutulong ang ipatutupad na istriktong enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila mula Agosto 6 hanggang 20 upang maiwasang lumobo ng hanggang 15,000 ang naitatalang daily cases ng COVID-19.
“If we are going to continue on and we will not have these kinds of restrictions, we can reach up to 500,000 active cases by the end of September,” babala pa ni Vergeire.
Inaasahang sasamantalahin naman ng mga lokal na pamahalaan ang ECQ upang makapagbakuna ng 250,000 katao kada araw sa isasagawang 24/7 vaccination sa rehiyon.
Sinabi ni Vergeire na malaking tulong ito upang maprotektahan ang mga mamamayan, gayundin ang healthcare system.
“Our objective and our hope will be, because we are going to ramp up vaccination, that we will be seeing less numbers of cases that will be classified as severe and be going to the hospitals. That is our main goal, that we can still preserve our health system,” aniya pa.
Base sa datos ng DOH, hanggang nitong Hulyo 28 ay nakapagtala na ang Pilipinas ng 216 Delta vases, 1,856 Alpha cases, at 2,146 Beta cases ng COVID-19.
Mary Ann Santiago