Nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng 6,879 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa hanggang 4:00 ng hapon nitong Martes, Agosto 3.
Batay sa case bulletin no. 507 ng DOH, nabatid na dahil sa naturang mga bagong kaso ng sakit, umakyat na ngayon sa 1,612,541 ang total COVID-19 cases sa bansa.
Sa naturang kabuuang bilang, 3.9% na lamang naman o 63,137 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman.
Kabilang sa mga aktibong kaso ang 94.0% na mild cases, 2.1% na severe cases, 1.46% na moderate cases, 1.3% na asymptomatic at 1.2% na critical.
Nakapagtala rin naman ang DOH ng 6,337 pasyente na bagong gumaling sa sakit sanhi upang umabot na sa 1,521,263 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 94.3% ng total cases.
Samantala, may 48 pang pasyente ang namatay dahil sa karamdaman.
Sa ngayon, umaabot na sa 28,141 ang total COVID-19 deaths sa bansa o 1.75% ng total cases.
Ayon sa DOH, mayroon rin namang 100 duplicates ang inalis mula sa total case count, kabilang ang 98 recoveries.
Mayroon rin umanong 12 kaso na unang tinukoy bilang recoveries ngunit natuklasang nagpapagaling pa pala sa karamdaman.
Nasa 18 kaso naman ang unang sinabing gumaling na sa karamdaman ngunit malaunan ay natukoy na binawian na pala ng buhay sa pinal na balidasyon.
Mary Ann Santiago